Advertisers

Advertisers

NEPOMUCENO, ‘DI NATITINAG! BOC, TULOY ANG GYERA VS SMUGGLING

0 15

Advertisers

TINIYAK ng Bureau of Customs (BOC) na patuloy na mamumuno si Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa ahensya matapos kumpirmahing wala pa silang natatanggap na anumang opisyal na direktiba mula sa Malacañang hinggil sa posibleng pagbabago sa pamunuan nito.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng BOC na nananatiling nakatuon si Nepomuceno sa pagtupad sa mandato ng ahensya, partikular sa pagpapalakas ng seguridad sa mga hangganan ng bansa, pagpapadali sa lehitimong kalakalan, pagsusulong ng mga reporma at pagtitiyak sa wastong pangongolekta ng buwis at iba pang kaukulang bayarin.

Binigyang-diin ng BOC na magpapatuloy sa ilalim ng pamumuno ni Nepomuceno ang agresibong kampanya laban sa smuggling upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga at iba pang mapanganib at ipinagbabawal na produkto sa bansa.



Ayon sa ahensya, kabilang sa mga pangunahing prayoridad nito ang pangangalaga sa mga hangganan ng Pilipinas at pagprotekta sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Kasabay nito, ipagpapatuloy din ng BOC ang mga repormang naglalayong suportahan ang mga lehitimong importer at exporter, gawing mas madali ang proseso ng pagnenegosyo, at palakasin ang transparency at pananagutan sa loob ng ahensya.



Tiniyak din ng Customs na paiigtingin ang tamang pagtatasa at pangongolekta ng buwis at duties na nagsisilbing pondo para sa mga programa ng pamahalaan, mga proyektong pang-imprastraktura at mahahalagang serbisyong pampubliko.

Sa huli, iginiit ng BOC na nananatiling aktibong isinusulong ni Nepomuceno ang mga prayoridad ng ahensya.



“Patuloy ang trabaho at mga reporma,” ayon sa BOC, kasabay ng paninindigang nakatuon ang ahensya sa paghahatid ng konkretong resulta para sa seguridad ng bansa, lehitimong kalakalan at pambansang kaunlaran.(BP)