Advertisers

Advertisers

PINAS HANDA NA SA ASEAN SUMMIT — PBBM

0 18

Advertisers

HANDA na ang Pilipinas bilang host ng 49th ASEAN Summit na magsisilbing pagkakataon para sa mga lider ng Southeast Asia na magkaisa at humanap ng solusyon sa mga problemang kinakaharap ng rehiyon.

Sa kanyang vlog, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kumpleto na ang mga paghahanda para sa mahalagang pagtitipon at naging detalyado ang preparasyon upang maayos na matanggap ang mga delegado at bisita mula sa iba’t ibang bansa.

Binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang summit sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis at pagkain, paghina ng ekonomiya sa ilang bansa, mga usapin sa seguridad at banta ng El Niño.



Bilang host country, sinabi ni Marcos na pagkakataon ng Pilipinas na manguna sa paghubog ng agenda at bigyang-prayoridad ang mga usa-ping direktang nakaaapekto sa mga mamamayan.

Kabilang dito ang presyo ng mga pangunahing bilihin, agrikultura, trabaho, kabuhayan at seguridad.



Ayon sa Pangulo, mas nagiging malalim ang pag-uusap at napapalakas ang tiwala ng mga lider kapag personal silang nagkikita.

Umaasa siyang magbubunga ang summit ng mga konkretong hakbang at solusyong pakikinabangan ng mga bansa sa rehiyon.



Samantala, kabilang naman sa mga naghahanda ang mga lokal na negosyo, designer, mananahi, maghahabi, culinary experts, food manufacturers at mga manggagawa sa creative industry.

Kasama rin sa mga nakinabang ang mga hotel at hospitality establishment, transport provider, driver, at maliliit na negosyong gumagawa ng souvenir items at iba pang produkto.

Sabi ni Marcos, maging ang mga artista, mang-aawit, mananayaw, direktor, makeup artist, set designer at iba pang production workers ay nabigyan ng oportunidad dahil sa mga aktibidad na may kaugnayan sa ASEAN.

Bukod sa trabaho at kabuhayan, inaasahan din niyang mahihikayat ang mga dayuhang bisita na muling bumalik sa Pilipinas kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan.

Humingi rin ng kaunting pasensya ang Pangulo sa publiko sa posibleng pansamantalang abala habang isinasagawa ang summit, at hinimok ang lahat na makiisa upang matiyak ang matagumpay na pagdaraos nito. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)