SENADOR VILLAR: ASEAN 2026, PAGKAKATAON UPANG HIGIT NA PALAKASIN ANG EKONOMIYA AT LUMIKHA NG TRABAHO SA PILIPINAS
Advertisers
Umaasa si Senator Mark Villar na magbubunga ang pagho-host ng Pilipinas sa ika-49 na Summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng mas maraming oportunidad sa pamumuhunan, dagdag na trabaho, at benepisyong pang-ekonomiya hindi lamang para sa mga Pilipino kundi pati na rin sa iba pang mamamayan sa Timog-Silangang Asya.
Sa ilalim ng temang “Navigating Our Future, Together,” sinabi ni Villar na dapat magbunga ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN ng mas matibay na ugnayang panrehiyon, kasabay ng pagtugon sa mga suliraning direktang nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan, kabilang ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kuryente, kawalan ng trabaho, at banta sa seguridad sa pagkain dulot ng mga pagbabago sa klima gaya ng El Niño.
“Umaasa tayo na magbubunga ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN ng mas maraming oportunidad para sa ating mga kababayan. Mahalagang magamit natin ang pagkakataong ito upang makahikayat ng mga bagong pamumuhunan, makalikha ng trabaho, at mapalakas ang ating mga lokal na industriya. Kasabay nito, kailangan din nating tugunan ang mga suliraning patuloy na nararanasan ng ating mga mamamayan, lalo na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kuryente,” ani Villar.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 7.8 porsiyento ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Oktubre 2026, mula sa 7.2 porsiyento noong Setyembre. Tumaas naman sa 20.1 porsiyento ang inflation sa sektor ng transportasyon, habang umabot sa 9.3 porsiyento ang inflation sa pabahay, tubig, kuryente, gas, at iba pang panggatong. Bagama’t bumaba sa 6.4 porsiyento ang food inflation, patuloy namang tumaas ang inflation sa bigas na umabot sa 20.7 porsiyento.
Samantala, batay sa September 2026 Labor Force Survey ng PSA, umabot sa higit 2.86 milyon ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa, habang 5.56 milyon naman ang mga manggagawang kulang ang oras o oportunidad sa pagtatrabaho upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Sinabi ni Senador Villar na kailangan ang mas pinaigting na pagkilos at pakikipagtulungan sa mga karatig bansa sa ASEAN upang makatulong sa pagpapatatag ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pagpapahusay ng distribusyon ng pagkain, pagtugon sa mataas na gastos sa transportasyon, at pagsusulong ng mas abot-kayang suplay ng kuryente.
Dagdag pa niya, makatutulong ang paghikayat ng pamumuhunan sa manufacturing, imprastraktura, at teknolohiya upang mapalakas ang mga lokal na industriya, makalikha ng trabaho, at mapalawak ang mga oportunidad pang-ekonomiya para sa mga Pilipino at iba pang mamamayan sa ASEAN.
Sa pinagsamang ekonomiyang nagkakahalaga ng humigit-kumulang US$3.9 trilyon noong 2024 at populasyong halos 700 milyon, sinabi ni Villar na nag-aalok ang ASEAN ng malawak na oportunidad para sa kalakalan, pamumuhunan, at pagpapalawak ng negosyo. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapatibay ng ugnayan sa mga bansang kasapi ng ASEAN at pagpapabuti ng kapaligiran sa pagnenegosyo sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapasimple ng mga regulasyon, pagpapahusay ng imprastraktura, at pagpapababa ng gastos sa pagpapatakbo ng negosyo upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at matulungan ang mga lokal na negosyo na makapasok sa mas malawak na pamilihan sa rehiyon.
“Umaasa tayo na hindi lamang Pilipinas ang makikinabang sa mga oportunidad na maidudulot ng ASEAN 2026, kundi pati na rin ang ating mga kapatid sa Timog-Silangang Asya. Sa pamamagitan ng pagtutulungan, maaari tayong makahikayat ng mas maraming pamumuhunan, makalikha ng trabaho, at makapagbigay ng mas magandang oportunidad sa ating mga mamamayan sa buong rehiyon,” ani Senador Villar.
Binigyang-diin ni Villar na bukod sa matagumpay na pagdaraos ng ASEAN Summit, mahalaga ring matiyak na ang mga napagkasunduan at nabuong pakikipagtulungan sa pagtitipon ay maisasalin sa mga programa at hakbang na magpapabuti sa buhay ng mga mamamayan.
“Ang tunay na diwa ng ‘Navigating Our Future, Together’ ay ang sama-samang pagkilos ng mga bansang kasapi ng ASEAN upang magkaroon ng mas matatag na ekonomiya at mas magandang kinabukasan para sa ating mga mamamayan. Nawa’y maging daan ang ASEAN 2026 upang makamit natin ang mas inklusibo at pangmatagalang pag-unlad para sa Pilipinas at sa buong rehiyon,” pagtatapos niya.