Advertisers

Advertisers

ADIONG: MGA TESTIGO NI SARA WALANG KREDIBILIDAD!

0 16

Advertisers

KINUWESTYON ng tagapagsalita ng House prosecution ang kredibilidad ng mga testigong iniharap ng depensa ni Vice President Sara Z. Duterte dahil sa malapit na personal at propesyonal na ugnayan ng mga ito sa pamilya Duterte, na nagdudulot ng pagdududa sa kanilang pagiging patas at walang kinikilingan.

Ayon kay Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, ilan sa mga testigo ng depensa ay mga dating itinalaga sa puwesto sa gobyerno, business associates o matagal nang kaibigan ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

“Lahat po ay mga biased witnesses. That’s why their credibility was tested in court,” ani Alonto Adiong sa panayam sa kanya ni Korina Sanchez-Roxas sa programang “Memo” ng Bilyonaryo News Channel.



Kabilang sa tinukoy niyang mga testigo sina Davao City Assessor Jaime Adalin, Atty. Suzette Balucanag-Punay, Atty. Anel Martin Antero at Chadwin Parian.

Si Adalin, na nagsilbi sa administrasyon ni Duterte noong alkalde pa ito ng Davao City, ay tumestigo hinggil sa isang ari-ariang nakarehistro sa pangalan ni Carpio na kinuwestiyon ng prosekusyon dahil sa hindi ito idineklara.



Samantala, si Punay, na in-house counsel ng GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corp., ay nagbigay ng testimonya hinggil sa mga interes sa negosyo ni Duterte at sa buwanang bayad na natatanggap nito mula sa sangay ng GenCorp sa Times Square.

Si Antero naman, na matagal nang kaibigan ni Duterte, ay nagtangkang ipaliwanag ang halagang P205,007 na ginastos sa isang hapunan sa Japan.



Habang si Parian, na kaibigan ni Carpio, ay tumestigo tungkol sa pagbili ng mga produktong Nike na nagkakahalaga ng P256,882 sa Malaysia.

Inihambing ni Alonto Adiong ang mga testigo ng depensa sa mga iniharap ng prosekusyon, na kinabibilangan ng mga opisyal ng gobyerno at mga tagapangalaga ng opisyal na rekord sa pananalapi at korporasyon.

Ayon sa kongresista, ang mga testigo ng prosekusyon ay pangunahing nagbigay-linaw sa mga dokumentong isinumite sa kani-kanilang ahensya sa halip na umasa sa kanilang personal na ugnayan sa Bise Presidente.

Sinabi rin ni Alonto Adiong na may ilang testigo ng depensa ang tila umiiwas sa pagsagot nang diretsahan kapag nahaharap sa mahihirap na tanong ng mga Senador-Hukom.

“Kaya nga po parati, kapag hina-hard press sila ng mga questions, ang parati po nilang sanctuary para takasan ang mga tanong ng mga senator-judges ay ‘hindi ko alam, hindi ko matandaan, hindi ko maalala,’” ani Adiong.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang kredibilidad ng mga testigo dahil kailangang matukoy ng Senate impeachment court kung nagsasabi ang mga ito ng katotohanan.

Iginiit ni Adiong na dapat sumagot nang tapat at malinaw ang mga testigo sa halip na piliin lamang ang impormasyong pabor sa panig ng depensa.

Nagsimulang magharap ng ebidensya ang depensa noong Nobyembre 9 upang kontrahin ang mga natuklasan ng prosekusyon hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman na umaabot sa hindi bababa sa P817.87 milyon.

Nakatakdang ipagpatuloy ng Senate Impeachment Court ang pagdinig sa Nobyembre 19 at 20.