Advertisers
BAGUIO CITY — Pormal nang binuksan ang mining exhibit na bahagi ng ika-72 Annual National Mines Safety and Environment Conference (ANMSEC), na ginaganap sa John Hay Convention Center sa Baguio City mula Nobyembre 17 hanggang 20, 2026.
Pinangunahan ni Philippine Mine Safety and Environment Association (PMSEA) President Engineer Louie Sarmiento ang pagbubukas ng kumperensya na naglalayong palakasin ang ligtas, responsable at makakalikasang operasyon ng pagmimina sa bansa.
Sinimulan ang programa sa isang panalangin na pinangunahan ni Eastern Rizal Miner’s Association President at PMSEA Director Angelita Lee.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Sarmiento na hindi lamang pagmimina ang dapat pagtuunan ng pansin, kundi higit sa lahat ang kaligtasan ng mga manggagawa, pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng mga komunidad na nakapaligid sa mga minahan.
Bitbit ang temang “Smiling for a Better Future, Serving Sustainably,” layunin ng pagtitipon na ipakita na posibleng maisulong ang industriya ng pagmimina kasabay ng responsableng paggamit at pangangalaga sa likas na yaman ng bansa.
Iba’t ibang kumpanya ng pagmimina, mga supplier, distributor at iba pang katuwang sa industriya ang lumahok sa mining exhibit upang ipakita ang kanilang mga produkto, kagamitan at serbisyong may kaugnayan sa operasyon ng mina.
Nagpasalamat naman si Sarmiento sa 61 sponsors, mga partner, mga Regional Director ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), mga panauhin at mga miyembro ng media na nakiisa sa mahalagang pagtitipon.
Nagbigay-kulay din sa programa ang pagtatanghal ng katutubong sayaw na inihandog ng mga mahuhusay na estudyante.
Sa kabuuan, mensahe ng kumperensya: ang tunay na pag-unlad ng pagmimina ay hindi lamang nasusukat sa yamang nakukuha sa ilalim ng lupa, kundi sa kaligtasan ng tao, kalusugan ng kapaligiran at magandang kinabukasan ng susunod na henerasyon.