Advertisers

Advertisers

Hepe, 8 pulis sa Lucena kinasuhan sa drug bust

0 21

Advertisers

NAHAHARAP sa mabibigat na reklamong administratibo ang dating hepe ng Lucena City Police Station at walo niyang tauhan kaugnay ng umano’y pagkuha ng mga personal na gamit ng isang naarestong suspek sa bawal na gamot sa isang operasyon sa Barangay Cotta noong Oktubre 30.
Pormal nang naghain ng reklamo ang National Police Commission (NAPOLCOM) Region IV-A laban kay Lieutenant Colonel Ryan Hernandez at walong iba pang pulis na kabilang sa intelligence unit ng himpilan.
Kabilang sa mga kasong isinampa ang grave misconduct, grave dishonesty at grave neglect of duty.
Nabanggit din sa mga reklamo ang oppression at conduct unbecoming of a police officer, batay sa mga alegasyong inihain ng tatlong kaanak ng naarestong suspek.
Sinampahan din ng reklamo si Hernandez sa ilalim ng Doctrine of Command Responsibility, na nagtatakda ng pananagutan ng isang opisyal sa pangangasiwa at pagkontrol sa kaniyang mga tauhan.
Nauna nang inalis sa puwesto si Hernandez habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matiyak na walang magiging impluwensiya sa pangangalap ng ebidensiya at pagkuha ng mga salaysay.
Itinalaga bilang officer-in-charge ng Lucena City Police Station si Lt. Colonel Marcelito Platino, habang inilipat si Hernandez sa Administrative and Resources Management Unit ng Quezon Police Provincial Office.