Advertisers

Advertisers

GOBERNADOR NG MARINDUQUE AT LEGAL OFFICER, KINASUHAN SA OMBUDSMAN KAUGNAY NG $100-M MARCOPPER SETTLEMENT

0 37

Advertisers

NAHAHARAP sa kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman sina Marinduque Governor Melecio Go at Provincial Legal Officer Benedict Cartagena matapos silang ireklamo nitong Biyernes, Nobyembre 13, dahil sa umano’y paghadlang sa pagpapatupad ng $100-milyong Marcopper settlement.

Sa 65-pahinang complaint-affidavit, inakusahan ng mga residente ng Marinduque ang dalawang opisyal ng gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ayon sa reklamo, paulit-ulit umanong hinarang at kinuwestiyon nina Go at Cartagena ang settlement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Barrick Gold Corporation, kahit inaprubahan na ito ng Court of Appeals noong Oktubre 3, 2025.



Sentro ng reklamo ang umano’y hindi pagpirma ni Go sa joint instructions na kailangan upang mailabas ang unang $50 milyong bayad mula sa escrow account sa JPMorgan Chase Bank sa Singapore.

Bagama’t naibigay na ng Department of Environment and Natural Resources ang kinakailangang komunikasyon noong Oktubre 2, 2026, hindi umano lumagda si Go hanggang sa lumampas ang deadline noong Oktubre 4.



Inakusahan din si Cartagena na sumulat sa bangko noong Oktubre 14 upang hilinging panatilihing bukas ang escrow account, na ayon sa mga nagreklamo ay bahagi ng umano’y paghadlang sa settlement.

Gayunman, sa pamamagitan ng unilateral instructions ng Barrick, nailipat ang $50 milyon sa trust fund account ng pamahalaang panlalawigan noong Oktubre 16, 2026.



Binanggit din sa reklamo ang patuloy umanong pagkuwestiyon ni Go sa kasunduan at ang iniulat na pagtanggi niyang ipatupad ang Provincial Ordinance No. 250 na may kaugnayan sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

Iginiit ng mga nagreklamo na ang mga hakbang ng dalawang opisyal ay nagdulot ng pagkaantala sa rehabilitasyon ng mga komunidad na halos tatlong dekada nang naghihintay ng tulong matapos ang trahedya sa pagmimina ng Marcopper.

Hiniling nila sa Ombudsman na papanagutin sina Go at Cartagena sa ilalim ng mga naaangkop na batas kriminal at administratibo.