Advertisers

Advertisers

CALE88, BILYON ANG BENTA PERO 2 LANG ANG EMPLEYADO!

0 13

Advertisers

 

Kinumpirma ng isang opisyal ng Board of Investments (BOI) na walang empleyado ang umano’y exporter ng banana chips na Cale88 noong 2024 at dalawa lamang noong 2025, sa kabila ng naiulat na umabot sa mahigit P1 bilyon ang kabuuang benta nito.

Ang kumpirmasyon ay ginawa ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo, na siya ring vice chairman at managing head ng BOI, sa isinagawang cross-examination ni Atty. Erwin Matib, abogado ng House prosecution panel.



Bilang testigo ng depensa, pinabasa ni Matib kay Rodolfo ang mahahalagang bahagi ng General Information Sheets (GIS) ng Cale88 para sa 2024 at 2025 na inihain sa Securities and Exchange Commission (SEC). Ang mga kopya nito ay kabilang sa mga dokumentong isinumite ng opisyal sa Senate impeachment court.

Batay sa mga dokumento, iniulat ng Cale88 noong 2024 na mayroon itong tatlong opisyal, walang empleyadong kabilang sa rank-and-file at walang nakatalang kabuuang bilang ng mga tauhan o manpower complement.



Samantala, sa GIS nito noong 2025, nakasaad na mayroon itong dalawang opisyal, dalawang empleyado at wala ring nakatalang manpower complement.

Sinabi ni Rodolfo na may kopya ang BOI ng mga naturang GIS dahil inaatasan ng mga patakaran ng ahensya ang mga rehistradong negosyo, gaya ng Cale88, na magsumite ng naturang mga dokumento.



Itinatag ang Cale88 noong 2012 ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, kasama ang dentista ng Bise Presidente na si Lourdes Lebosada bilang pangunahing katuwang sa negosyo.

Kapwa nagmamay-ari sina Carpio at Lebosada ng tig-47.5 porsiyento ng kumpanya, na may paid-up capital na P125,000.

Bukod sa naiulat na mahigit P1 bilyon nitong benta sa isang panahon, iniulat din ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakatanggap ang Cale88 ng P776 milyon na foreign remittances mula 2022 hanggang 2025, kabilang ang P319 milyon mula sa China.

Karamihan sa mga naturang transaksiyon ay iniulat na na-flag ng mga bangko bilang “covered” at “suspicious transactions.”

Kabilang sa mga dahilang inilatag ng mga bangko ang kabiguang makapagpakita ng kliyente ng mga kaukulang dokumento gaya ng sales invoices, kawalan ng pinagbabatayang obligasyong pangkalakalan, pang-ekonomiya o legal, at hindi pagtutugma ng pumapasok na pondo sa idineklarang kakayahang pinansyal ng kliyente.

Inamin din ni Rodolfo na wala siyang personal na kaalaman kung talagang natapos ang gusali ng Cale88 na idineklara ng kumpanya na 90 porsiyento nang kumpleto.

Bilang tugon sa mga tanong ni Matib, sinabi ni Rodolfo na hindi siya inimbitahan sa pagsisimula ng operasyon ng kumpanya kaya wala rin siyang personal na kaalaman tungkol sa aktuwal na operasyon nito.

Inaakusahan naman ng House prosecution sina Vice President Sara Duterte at ang kanyang asawa na umano’y hindi idineklara ang kanilang mga kinita mula sa Cale88.