Advertisers
Engaged na ang Kapuso stars na sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz.
Sa Instagram post ng aktor nitong Lunes, Nobyembre 23, ibinahagi niya ang video ng kanyang proposal na inihanda sa mismong selebrasyon ng kanilang 5th anniversary.
Naging saksi sa espesyal na sandali ang kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.
Tatlong araw bago ang naturang okasyon, nag-record muna si Rayver ng mensahe kung saan inamin niyang ilang araw na siyang kinakabahan at excited sa gagawing proposal.
Sinadya rin niyang itapat ito sa kanilang anibersaryo upang maging mas memorable ang kanilang limang taong pagsasama.
Ayon sa aktor, karaniwan lamang silang nagdiriwang sa pamamagitan ng simpleng movie date kaya hindi inaasahan ni Julie Anne ang sorpresang inihanda niya.
Sa mismong araw, dinala ni Rayver ang nobya sa isang bahagi ng restaurant upang panoorin ang recorded message.
Habang nanonood si Julie Anne, lumitaw sa likuran nila ang kanilang mga kapamilya at kaibigan.
Pagkatapos nito, personal na ipinahayag ni Rayver ang kanyang pagmamahal bago tuluyang lumuhod at magtanong, “Ms. Julie Anne San Jose, will you marry me?”
Hindi napigilan ni Julie Anne ang emosyon nang sagutin niya ito ng “Yes!”
Paulit-ulit pa siyang napatanong ng “Oh my God, totoo ba ‘to?” habang yakap ang aktor.
Sunod-sunod naman ang pagbati mula sa kanilang fans at mga kaibigan sa showbiz matapos ibahagi ng dalawa ang masayang balita.