Aljur Abrenica, Ejay Falcon at Sheryl Cruz ibubunyag ang lupit ng fraternity initiation sa pelikulang ‘Kappa-Tiran’
Advertisers
Ni Anne Venancio
Hindi lahat ng samahan ay nangangahulugan ng tunay na kapatiran. Ito ang isa sa mahahalagang mensaheng hatid ng pelikulang “KAPPA-TIRAN,” na tumatalakay sa brotherhood, loyalty, identity, peer pressure, at mga posibleng kahihinatnan ng fraternity initiation.
Sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan at produksyon ni Hon. Marcos Mamay sa ilalim ng Mamay Productions, umiikot ang kuwento sa siyam na estudyanteng dumaraan sa isang matinding initiation process upang matanggap sa isang fraternity.
Sa hangarin nilang mapabilang sa isang samahan, haharap ang mga karakter sa mahihirap na desisyon, personal na pagsubok, at mga sitwasyong susubok sa kanilang paninindigan. Ipinapakita rin ng pelikula na hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan, dignidad, at sariling prinsipyo para lamang makuha ang pagtanggap ng iba.
Tampok sa pelikula sina Ejay Falcon, Aljur Abrenica, Sheryl Cruz, Bembol Roco, Julio Diaz, Patricia Javier, at Sam Coloso.
Kabilang naman sa supporting cast sina Mygz Molino, Bernie Batin, Darwis Ismaeili, Evander Cañete, Chelsea De Guia, Emjay Macalintal, Marvin Diamante, Zandro Salgado, Romark Rosita, Mad Ramos, Ahmad Hussein Ramos, Emilio Delgado, Jimsen Austria Jison, Emerson Capule, Julian Roxas, Lheng Divinagracia, Shiela Lintan, Andre Cue, Tito Hilario, at Jojo Matias. May special participation din si Hon. Marcos Mamay.
Naipalabas na ang “KAPPA-TIRAN” sa Manila International Film Festival sa Hollywood, California, noong Setyembre 5, 2026, sa makasaysayang TCL Chinese Theatre. Pinarangalan din sa naturang festival sina Sheryl Cruz at Marcos Mamay, na kapwa tumanggap ng Shining Light Award.
Rated R-16 ang pelikula at layuning maghatid ng kamalayan sa kabataan tungkol sa responsableng pagpapasya, paggalang sa kapwa, at tunay na kahulugan ng kapatiran.
Samantala, nakapagtala rin ng tagumpay ang naunang pelikula ng Mamay Productions na “MAMAY: A JOURNEY TO GREATNESS,” matapos magwagi ng pitong parangal sa 73rd FAMAS Awards. Kabilang dito ang Best Supporting Actor, Best Production Design, Best Cinematography, Best Musical Score, Best Song, Producer of the Year, at Presidential Award para kay Hon. Marcos M. Mamay.
Kinilala rin sa 41st PMPC Star Awards for Movies ang theme song nitong “Hamon.”