Advertisers
KALAT ngayon sa social media ang video ng mga Pinoy, na nakauniporme ng sundalo sa Russia, na nananawagan sa gobiernong Marcos para sila’y tulungan makabalik agad sa Pilipinas dahil inihahanda raw sila ngayon para isubo sa giyera laban sa Ukraine.
Sa kanilang panawagan, sinabi nilang nasa 30 silang mga Pinoy na ni-recruit para magtrabaho sa konstraksyon sa Russia tulad ng cleaner at taga-gawa ng bunkers.
Pagkarating daw nila sa Russia. Kaagad silang isinailalim sa training, mag-isang buwan na ngayon, para isabak raw sa ongoing na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad kung sino ang nag-recruit sa ating mga kababayan para magtrabaho sa Russia.
Paalala ng gobierno: ‘Wag basta maniwala sa recruiter na hindi dumaan sa tamang ahensiya ng pamahalaan tulad ng POEA.
***
Attention DDS: Sinabi ni Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh na hindi na kailangan ng hiwalay na paglilitis sa korte sa Pilipinas bago arestuhin at isuko sa International Criminal Court (ICC) si dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Sa kanyang hiwalay na opinyon, sinabi ni Singh na pinahihintulutan ng Republic Act No. 9851 ang pamahalaan na isuko si Duterte sa ICC nang hindi na dumadaan sa extradition proceeding o panibagong pagdinig para suriin ang ebidensiya sa arrest warrant.
Ayon kay Singh, binibigyan ng Section 17 ng RA 9851 ang mga awtoridad ng Pilipinas ng kapangyarihang ipagpaliban ang sariling imbestigasyon o pag-uusig kung ang isang krimen ay iniimbestigahan o nililitis na ng ibang korte o international tribunal.
Binigyang-diin din niya na hindi nangangahulugan ng pagsuko sa soberanya ng Pilipinas ang pakikipagtulungan sa ICC dahil nakabatay ito sa batas na ipinasa mismo ng Kongreso.
Aniya, mas malaking paglabag sa soberanya ng bansa ang hindi pagpapatupad sa isang batas na ipinasa ng Kongreso kaysa sa pakikipagtulungan sa ICC na pinahihintulutan naman ng nasabing batas.
Iginiit din ni Singh na hindi nangangahulugang nawalan ng karapatan si Duterte nang isuko siya sa ICC dahil mayroon pa rin itong access sa abogado, mga legal na remedyo at iba pang proteksiyon sa ilalim ng batas.
Dagdag pa niya, hindi dapat pagbanggain ang karapatan ng isang akusado at ang pananagutan sa mga krimeng paglabag sa karapatang pantao at iba pang mabibigat na krimen.
Malinawag ang sinabing ito ni Justice Singh. Ewan ko lang kung maintidihan ito ni Senador Robin Padilla. Hehehe…