Advertisers

Advertisers

SENADOR VILLAR NANAWAGAN SA DOH NA PABILISIN ANG PAGKAKALOOB NG TULONG MEDIKAL SA MGA PASYENTENG MAY AUTOIMMUNE DISEASES; ISINUSULONG ANG PAGTATATAG NG MGA HOSPITAL PARA DITO

0 17

Advertisers

Nanawagan si Senador Mark Villar sa Department of Health (DOH) na pabilisin ang proseso ng pag-apruba sa tulong medikal para sa mga pasyenteng may autoimmune diseases, upang maging mas abot-kaya at ang kanilang mga gamot at kinakailangang serbisyong medikal ng mga pasyente.

Sa deliberasyon sa panukalang 2027 badyet ng DOH, binigyang-diin ni Villar ang malaking gastusing pinapasan ng mga pasyenteng nangangailangan ng tuluy-tuloy na pag-inom ng gamot at regular na pagpapatingin upang makontrol ang kanilang kondisyon.

“Para sa mga pasyenteng may lupus at iba pang autoimmune diseases, hindi luho ang kanilang mga gamot. Hindi natin maaaring ipagpaliban ang tulong na lubos nilang kailangan,” ani Villar.



Sa pagsagot sa interpellation ni Villar, sinabi ni Senator JV Ejercito na kasalukuyang sinusuri ng DOH at PhilHealth ang Clinical Practice Guidelines (CPG) at ang mga kinakailangang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) upang maisama ang mga gamot para sa autoimmune diseases sa mga benepisyong saklaw ng PhilHealth.

Tinalakay rin ni Ejercito ang posibilidad na magtalaga ng mga piling ospital ng DOH kung saan maaaring makakuha ang mga pasyente ng mga espesyal na gamot, katulad ng mga kasalukuyang cancer center. Tiniyak din niya na bibigyang-prayoridad ng kagawaran ang usaping ito.



Malugod na tinanggap ni Villar ang pangakong ito ngunit iginiit na kailangang pabilisin ang proseso ng pag-apruba dahil hindi maaaring maghintay ang mga pasyente sa tulong na kailangan nila.

“Matagal nang ginagamit at napatunayan na ang mga paggamot at gamot para sa mga kondisyong ito. Hindi ko nakikita kung bakit kailangan pa nating patagalin ang pag-apruba. Para sa mga pasyente at kanilang pamilya na dumaranas ng matinding kalbaryog ito, bawat araw ay mahalaga,” aniya.



Personal din kay Villar ang adbokasiyang ito dahil ang kanyang maybahay na si Atty. Emmeline Aglipay-Villar ay may lupus, isang auto-immune disease. Dahil dito, higit niyang nauunawaan ang mga hamong kinakaharap ng mga pasyente at ang pangangailangang mapabuti ang kanilang access sa serbisyong pangkalusugan.

Sa 20th Congress, ipinagpapatuloy ni Villar ang adbokasiyang ito sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1513, o ang Comprehensive Lupus Prevention Act, na naglalayong magtatag ng pambansang programa para sa lupus, palakasin ang kamalayan ng publiko, isulong ang maagang pagtukoy sa sakit, at pagbutihin ang access sa angkop na paggamot at serbisyong medikal.

Sa kanyang interpellation, iminungkahi rin ni Villar na pag-aralan ng DOH ang pagtatatag ng mga hospital na pangunahing pangangalaga sa mga pasyenteng may autoimmune diseases, katulad ng mga pasilidad para sa cancer at sakit sa bato. Layunin nitong mailapit sa mga pasyente ang mga espesyalistang doktor, kinakailangang gamot, at iba pang serbisyong medikal.

Nangako si Villar na patuloy niyang isusulong ang mas matibay na suporta ng pamahalaan upang mabawasan ang gastusin ng mga pasyente at matiyak na walang Pilipinong may pangmatagalang karamdaman ang mapagkakaitan ng kinakailangang pangangalagang pangkalusugan.

“Hindi sapat na umasa lamang sa pag-asa ang mga pasyenteng may autoimmune diseases. Nararapat silang magkaroon ng madaling access sa gamutan, abot-kayang mga gamot, at isang sistemang pangkalusugan na aalalay sa kanila sa bawat yugto ng kanilang pakikipaglaban sa sakit,” pagtatapos ni Villar.