Sen. Lacson iginiit pagbabalik ng higit P8-B kaltas sa DOTr budget para sa mga proyekto sa Davao at Cebu
Advertisers
MARIING iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pagbabalik ng P8.1 bilyong pondong tinapyas sa dalawang foreign-assisted projects (FAPs) ng Department of Transportation (DOTr), na aniya ay dapat unahin dahil inaasahang makatutulong sa paglago ng ekonomiya.
Sa plenary deliberation sa panukalang 2027 budget ng DOTr, tinukoy ni Lacson ang P5.1 bilyong kaltas sa Davao Public Transport Modernization Program at P3 bilyong bawas sa New Cebu International Container Port.
Ayon kay Lacson, mas dapat bigyang-priyoridad ang mga investment na may pangmatagalang pakinabang sa ekonomiya kaysa sa malaking pondong inilaan sa mga ayuda.
Binigyang-diin din ni Lacson na hindi lamang ang inaasahang epekto sa ekonomiya ang dapat isaalang-alang sa mga proyekto, kundi pati ang commitment fees at iba pang bayaring maaaring maipon kapag naantala ang implementasyon ng mga ito.
Nabanggit din ng senador ang mga naging pagbawas sa pondo ng mga transport infrastructure project sa mga nakaraang taon, kung saan mas maliit ang naipasa ng Kongreso kumpara sa mga halagang orihinal na iminungkahi ng Executive.
Kabilang sa mga tinukoy ni Lacson ang Davao Public Transport Modernization Program na sinimulan noong 2023 at may loan na nakatakdang matapos sa June 2030. Ayon sa mga talakayan sa Senado, nagkaroon na ng commitment fees at penalties dahil sa mga pagkaantala sa pagpapatupad ng proyekto.
Dahil dito, iginiit ni Lacson na kailangang maibalik ang pondong tinapyas upang maiwasan ang panibagong pagkaantala at karagdagang gastos sa pamahalaan, habang naipagpapatuloy ang mga proyektong inaasahang magkatutulong sa transportasyon at ekonomiya.