Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
PAGKATAPOS ng kontrobersyal na isyu ng murahan, duruan at batuhan ng microphone sa “Happy Time” sa Net 25, hindi naging happy ang ending ng bangayang Janno Gibbs at Kitkat Favia.
Naging usap-usapan pa nga ang kanilang batuhan ng tirade sa social media na tinawag pa ni Kitkat na may sayad at adik si Janno.
May pagbabanta rin si Kitkat sa kanyang deleted post na ipapuputol nito ang “maliit na ari” ng singer-actor.
Dahil sa nasabing eskandalo, napagpasyahan ng management ng Net-25 na tanggalin ang dalawa sa nasabing show.
Tanging si Anjo Yllana na lamang ang matitira sa show habang naghahanap ng possible replacement sa dalawa.
Sa kanya namang Instagram account, nagpaliwanag si Janno hinggil sa alitan nila ni Kitkat.
Aniya, sa isang live show daw, effort sa kanila ang magpatawa dahil anything goes daw at mahirap i-sustain ang comedic banter nila ng kasama sa show.
Hindi raw naman niya akalaing mamasamain at pepersonalin ni Kitkat ang kanilang batuhan ng jokes.
Dagdag pa niya, naapektuhan din daw ang pamilya sa mga isyung ipinupukol sa kanya tulad ng kawalang respeto sa mga kababaihan kahit pa humingi na siya ng tawad ukol sa insidente.
Aniya: “I kept quiet and only replied once hoping the issue would die down. I have apologized to my co-host and the management of the show. I have also publicly apologized.”
Kinumpirma rin niya, pareho silang kinausap ng management para mag-babu na sa show.
Ibinahagi rin niya ang natutunan sa kanyang naging karanasan sa kontrobersya nila ni Kitkat.
“My personal learning is not to react so publicly in situations like this whether on-air or online. I have also learned to treat my co-workers with even more sensitivity,” pagtatapos ni Janno.