Advertisers

Advertisers

Yorme Isko: Shutdown ang Maynila ‘pag ‘di sumunod sa health protocols

0 388

Advertisers

“POSIBLENG i-shutdown ko ang Maynila.”
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang “The Mayor’s Address to the City of Manila” nitong Linggo sa kanyang social media account.
“Kung nakikita ko na nagpapabaya tayo at kinakailangang ihinto ko ang pag-inog ng Maynila gagawin ko po ‘yun. Mapangalagaan ko lang ang kaligtasan ng bawat isa sa inyo,” ani Domagoso.
“Kung kinakailangan kong maproteksyunan ang mga lolo at lola ninyo, ang mga tatay at nanay ninyo, mga anak ninyo, gagawin ko. Hindi po ako mangingimi,” dagdag pa ng alkalde.
Pero nilinaw ni Domagoso na sa ngayon, gusto niyang maipagpatuloy ang kabuhayan, trabaho at hanapbuhay ng mga Manilenyo sa lungsod dahil una nang nabanggit nito na hindi kayang pakainin ng lokal na pamahalaan ang bawat pamilya sa lungsod.
“Mas gusto ko na nakakapaghanapbuhay kayo, may trabaho kayo, may mapagharimunan kayo. Pero gusto ko naman na maging responsable kayong mamamayan, wala akong ibang hinihingi. Lahat ng ‘yan susuklian ko mapa-umaga, gabi, hatinggabi, madaling araw, na mapaglingkuran kayo ng mainam, masinop at episyente,” saad pa ng alkalde.
“But I need your help, I need all of you to cooperate. Kailangan ko ang tulong ninyo. Nagtutulungan ang pamahalaan at ang mamamayan. Gusto ko sa ngayon tuloy ang pangangalaga sa buhay, tuloy ang pangangalaga sa kabuhayan dahil marami nang nawalan ng trabaho at maraming magugutom,” giit pa ni Domagoso.
Sa pinakahuling datos ng Manila Health Department, umabot na sa 1,549 aktibong kaso ng COVID-19 ang naitala nitong Linggo sa lungsod kungsaan nasa 270 ang bagong kaso.
Kaya muling nagpaalala si Yorme na maging responsable at magkaroon ng malasakit sa pamilya upang hindi na kumalat ang impeksyon dulot ng COVID-19 sa komunidad ng lungsod.
Panatilihin ang pagsunod sa minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, palagiang paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng physical distancing. (Jocelyn Domenden)