Advertisers
SI Jose Maria “Joma” Sison ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang lider ng tunay na “master red-tagger”, pahayag ng hepe ng anti-communist movement.
Sa isang ‘virtual press conference’ nitong Lunes, iprinisenta ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang luma at bagong video ni Sison kungsaan siya mismo ang nag-red-tagged o nagpakilala sa 18 underground na organisasyon na may kaugnayan sa maka-kaliwang mga grupo bilang legal fronts ng CPP-NPA-NDF.
“Ang pahayag ni Joma sa ika-48 taon anibersaryo ng kanilang maka-komunistang samahan noong Abril 24, ang siyang tumukoy sa mga underground mass organization (UGMO) na may kaugnayan sa mga liga ng people’s organization. Kinumpirma ni Sison na ang rebolusyon nilang sinusulong ay may armadong pakikibaka sa pangunguna ng NPA upang gumawa nang panggugulo,” paliwanag ni Esperon.
Dagdag pa niya, ang hayagang pag-amin ni Sison ay kabaligtaran ng sinasabi ng maka-kaliwang samahan na ang pamahalaan sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang siyang nagsasagawa ng pangre-red-tagged sa mga kasapi ng CPP at mga kaalyadong grupo nito.
Si Esperon, umuupo rin bilang Vice-Chairman ng NTF-ELCAC, ay nagsabi rin na ang mga grupong ito na kabilang sa CPP-NPA-NDF ang nagku-kuntsabahan upang ibagsak at agawin ang pamahalaan.
“Kay Sison mismo nanggaling ang red-tagging. Mayroon tayong kasabihan na ang isda ay nahuhuli sa bibig. At ang inyong NTF-ELCAC ay ginagawa lamang ang truth-tagging o sinasabi lamang ang katotohanan hinggil sa kanilang samahan,” paliwanag pa ni Esperon.
Kanyang inihalimbawa ang pag-red-tagged ni Sison sa partylist na Gabriela na siya namang ginagabayan at nasa ilalim ng pamumuno ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan na isa sa mga UGMO ng CPP.
“Ni-red-tagged ni Joma sa kanilang anibersaryo ang Gabriela. Malalaman natin dito na sila ay magkaka-konektado. Well-organized ang kanilang samahan para lamang pabagsakin ang demokratikong hinalal na ating gobyerno,” diin ni Esperon.
Inihayag din ni Esperon na gaya ng CPP-NPA na malawak na organisasyon, ang NTF-ELCAC ay kumilos narin para palakasin at palawakin pa ang kakayahan nito sa pagtatatag ng sarili nitong media bureau na may walong tagapagsalita na, “para masakop ang lahat ng mga bagay-bagay ukol sa tungkulin nito at lahat ng mga tanong at agam-agam ng publiko sa tungkulin ng task force na binubuo ng halos lahat na ng ahensiya ng pamahalaan upang maisulong ang Barangay Development Program (BDP) para sa 822 barangays na ginulo ng CPP-NPA na naitaboy na ng pamahalaan upang paunlarin muli ang mga nasabing lugar.
Bukod sa mga dating tagapagsalita ng task force na sina Usec. Lorein Badoy at Lt. Gen. Antonio Parlade, isinama nang taga-pagsalita ng NTF-ELCAC sina Usec. Joel Sy Egco na dating rin cadre ng CPP-NPA, Usec. Jonathan Malaya, Usec. Severo Catura, Asec. Celine Pialago, Atty. Marlon Bosantog at Gaye Florendo.