Advertisers
ANG karumal-dumal na pagpatay sa batang football player na si Keith Absalon at sa kanyang pinsan ng mga komunistang New People’s Army (NPA) ang magbibigkis sa bansa at mga Pilipino na labanan ang mga krimen ng mga armadong terorista na labis na ang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).
Ito ang tinuran ni Undersecretary Lorraine T. Badoy, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa larangan ng social media at sectoral concerns, na nagsabi rin na ang pagpaslang kay Keith “ang gumalit at magpapatibay ng pakikipaglaban ng bansa sa mga teroristang CPP NPA NDF (Communist Party of the Philippines-NPA-National Democratic Front).
“Maging ang mga kaalyado nila ay nagsasalita na. Kinukundina ang pangyayari at kanilang mga maling gawain,” sabi ni Badoy na pinatutungkulan ang Makabayan Bloc sa Kongreso.
Dagdag pa ni Badoy, ang sambayanang Pilipino rin ay galit na at hayagang kumukundina sa maaga at walang kabuluhang pagpatay kay Keith matapos pasabugin ng mga NPA ang tinanim nitong anti-personnel mine (APM) habang nagbibisikleta lamang ang mga biktima nitong Linggo sa Masbate. May mga ulat pa na nagsasabing pinagbabaril pa ang dalawang biktima.
Nagpahayag din si Badoy bilang reaksiyon sa sinabi ng mga miyembro ng “Kamatayan Bloc” na hahadlangan nito ang budget ng NTF-ELCAC. Partikular niyang tinukoy sina Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at Carlos Zarate ng Bayan Muna na siyang nanawagan sa pagharang ng budget ng task force dahil sila mismo ang mga “nagkukubli at kumakanlong sa mga teroristang-komunista, bilang mga front” ng CPP-NPA-NDF na siyang naghihikayat ng mga kabataan para sumali sa samahan at lumaban sa pamahalaan.
Dahilan din ang paulit-ulit na pag-uutos ni “CPP founding chairman Jose Maria Sison” sa mga NPA na magsagawa ng mga pag-atake at mga pagpatay para mapilitan ang pamahalaan na makiharap sa usapang pangkapayapaan na lagi ring isinisigaw ng mga Makabayan Bloc sa Kongreso.
Sinabi rin ng opisyal ng Palasyo na ang pamahalaan ay di na palolokong muli sa panawagang “piss talk” ng CPP-NPA-NDF, dahil kung kapayapaan ang nais ng mga ito, sisimulan dapat nila ng pagsuko ng kanilang mga armas at kanilang mga miyembro bago mapunta sa usapang pangkapayapaan.