Advertisers
NAGBABALA ang Department of Health (DOH) na posibleng maharap sa parusa ang mga indibidwal na nagsisinungaling o namemeke ng “comorbidities” o sakit para sila ay maunang mabakunahan kontra COVID-19.
Ito’y matapos na makarating sa DOH ang mga ulat na may mga taong nagsisinungaling at nagsasabing sila ay pasok sa A3 category o mga may comorbidities para agad na matutukan ng bakuna.
Pero paalala ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may ilang mga batas na nagpapataw ng parusa laban sa mga taong mapapatunayang namemeke ng dokumento upang mabakunahan.
Tiniyak din naman ni Vergeire na ginagawan naman ng paraan ng pamahalaan upang ang lahat ng mga tao ay mabakunahan kaya’t hindi dapat mag-unahan sa pagpapabakuna.
Sa ngayon aniya ay inuuna lamang muna nila ang mga taong itinuturing na “vulnerable” sa virus.
Ang mga hindi pa naman aniya kasama sa listahan ng mga prayoridad ay dapat na maghintay muna sa takdang panahon at hindi kailangang i-peke o magsinungaling na sila ay may comorbidities.
Tiniyak naman ni Vergeire na sa vaccination sites ay patuloy at paiigtingin pa ang ginagawang screening upang mapatunayan kung tunay bang may comorbidities o sakit ang babakunahan, base sa kanilang medical certificate o laboratory documents.
Sa ngayon, kabilang na sa mga maaaring bakunahan ay yaong kasama sa A1-A4 categories. (Andi Garcia)