Advertisers
OPISYAL na ipinahayag ng World Health Organization (WHO) na tapos na ang polio outbreak sa Pilipinas.
Sa isang virtual press briefing ng Department of Health (DOH), WHO, UNICEF at iba pang partners nitong Biyernes, sinabi ni WH PH Rep. Dr. Rabindra Abeyasinghe na aabot sa 30 milyong doses ng oral polio vaccines na ang na-administer sa bansa, kung saan 11 million na mga bata ang nabakunahan sa 13 vaccination rounds.
Ayon kay Dr. Abeyasinghe, ito ang pinaka-malaking logistical effort para sa polio sa ating bansa.
Pinuri rin ng WHO ang polio vaccination sa Pilipinas, kahit pa naharap sa mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa WHO, ang Pilipinas ay naging inspirasyon sa buong mundo pagdating sa mga hakbang at pagsusumikap laban sa polio.
Binati ng UNICEF ang Pilipinas partikular ang DOH na nanguna sa pagtugon at pagtiyak na matatapos ang polio outbreak sa Pilipinas.
Malaki rin ang ambag ng health care at mga community worker, mga ahensya at mga partner na nagtulong-tulong para maprotektahan ang mga kabataan laban sa polio.
Ang polio outbreak sa Pilipinas ay naunang inanunsyo ng DOH noong September 2019. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)