Advertisers
Ni MELCHOR M. BAUTISTA
MATAGAL ang naging kasikatan ni Gretchen Barretto sa showbiz. Kaya naman kahit paudlot-udlot ang kanyang pagpaparamdam ay ipinangako niya sa sarili na anuman ang mangyari at hanggang saan siya makarating ay nasa puso niyang palagi ang movie industry.
Bago magkaroon ng pandemic, ang naglalaro na sa isip ng napakaganda pa ring aktres, ay magsimula na ring sumosyo sa pagpo-produce ng pelikula kung hindi na niya kayang umarte pa sa harap ng kamera.
Gusto niya talaga na mayroon pa rin siyang magawa para sa showbiz kahit hindi na siya nagbibida. Tanggap naman kasi niya na iba na ang panahon ngayon at sa panahong siya ang reyna sa kasikatan.
***
SA personal na buhay ay masasabing matagumpay si Gretchen sa naging karelasyon niyang negosyanteng si Tony Boy Cojuangco. Hindi siya ang legal wife, at sa dami ng tumuligsa sa kanilang relationship ay hindi sila nagkahiwalay lalo pa’t anumang pang-iintriga sa napakagandang aktres ay hindi siya tinalikuran ni Mr. Cojuangco.
***
MAYROON na talagang kumakalat na balita sa showbiz na si Michael V. ay hindi na raw pipirma ng kontrata sa GMA-7. Ito ay pinag-uusapan na nung bago pa man lumabas at biglang makumpirma na mapapanood si John Lloyd Cruz sa bakuran ng Siyete sa pamamagitan ng pagkilos sa usapin ni Willie Revillame.
Ayon sa mga sabi-sabi, ang dating daw ay parang hindi na nagugustuhan ni Michael V. ang mga kaganapan ngayon ng pagtatalunan at paglilipatan ng mga dating artista ng ABS-CBN patungo sa Siyete. Napipintong mangyari raw kasi na ang mga naglalakihang pangalan ng mga artistang pambato ng Kapamilya Network ay sa Siyete na mapapanood sa mga darating na buwan.
Na siyempre pa’y malaki ring banta sa mga datihang artista ng Kapuso dahil mababawasan din sila ng pagkakataon na mabigyan ng maraming proyekto.
Sa status ng pagiging artista ni Michael V. ay panghihinayangan siyempre ng GMA ang kanyang naging kontribusyon sa kasikatan ng mga programang nilabasan ni Bitoy, katulad na lamang ng nagtagal sa ereng “Bubcle Gang” at ang ginagawan na rin ngayon ng prequel na “Pepito Manaloto” na mga programang nakipagtapatan talaga sa mga pambatong programang katatawanan noon ng ABS-CBN.
***
ISA na si Bea Alonzo sa hanay ng mga pinasikat na artista ng ABS-CBN na tinatawag na reyna. Iyon ay dahil sa kanyang mga napatunayan sa showbiz. Ilang teleserye na ang kanyang pinagbidahan sa kanyang home studio, at ang nararapat na pagtrato sa kanyang pagiging bida ay ipinaramdam sa kanya ng Kapamilya Network.
Kaya nga may karapatan si Bea na magtaas ng talent fee kung mula sa ABS-CBN ay lilipat na siya sa ibang network. May ugong na ang balitang kung medyo magbababa ng kanyang presyo ang mahusay at magandang aktres ay iyon ang umano ay magiging hudyat na ang dating Kapamilya star ay mapupunta na rin sa Kapuso network. Bongga ito kapag nagkataon dahil napapanood na ngayon sa Siyete ang dati niyang ka-loveteam na si JLC.