Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
KONTROBERSYAL si Manila City Mayor Isko Moreno dahil sa naging pasaring ng Pangulong Duterte tungkol sa isang mayor na ala “callboy” ang training dahil sa paghuhubad nito noon sa mga ginagawa niyang pelikula.
Bagama’t walang tahasang tinutumbok, nakakuha naman ng kakampi si Yorme sa katauhan ng broadcaster na si Karen Davila at kapwa pulitikong Jonvic Remulla na ipinagtanggol ang dati niyang propesyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Isko na hindi niya ikinahihiya ang paghuhubad niya sa mga pelikula noon.
Sa kasagsagan kasi ng ST movies noong dekada 90, pumalaot din si Isko sa pagpapa-sexy.
Hirit pa niya, kahit nagpa-sexy, never daw naman siyang nag-frontal.
Dagdag pa niya, ang ginawa raw niyang pagbibilad ng katawan ay bahagi lamang ng kanyang trabaho bilang artista.
“Makikita ninyo yung buong katawan ko except yung harapan ko. Eh, ano naman ngayon? Artista ako, eh, at wala akong nakikitang masama sa ginawa ko,” ani Isko.
Wala rin daw siyang pinagsisisihan noon sa naging desisyon niya sa kanyang showbiz career.
“Anything na ginawa ko sa showbiz, I’m happy I survived. Pinagdaanan ko yon at marami akong natutunan do’n,” paliwanag niya.
Pagtatanggol pa niya, ang mga ibinabato raw sa kanya ngayon ay nagamit na rin sa kanya noon sa pulitika.
“Wala naman maitatago pa sa akin. Bulatlat na ang buhay ko. Open book naman yan!
Meron akong ups and downs, mga challenges. It was made public. It’s an open book. I’m not ashamed of that,”pahayag niya.
Si Isko ay isa sa mga matunog na kakandidato bilang Presidente sa 2022 National elections.