Advertisers
PORMAL na binuksan nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang isang malawak at magandang parke at playground para sa mga senior citizens at mga bata sa mataong lugar ng Baseco kasama ang redeveloped Arroceros Urban Forest Park sa Ermita.
Sinabi ni Moreno na ang bagong “BaseCommunity Parks and Playground” ay naisakatuparan sa tulong ni City Engineer Armand Andres na nagsabing ang playground ay mayroong swings, benches, exercise equipment, benches at mga halamang namumulaklak.
Tiniyak naman ng alkalde na ang kaayusan at kalinisan ng nasabing parke at playground na maaaring ma-enjoy ng mga bata at matatanda kapag puwede na silang lumabas ay pangangalagaan ng Department of Public Services (DPS) sa ilalim ng hepe nitong si Kenneth Amurao at Engr. Andres.
Nanawagan ang alkalde sa mga residente na gawin ang kanilang bahagi upang mapanatili ang kalinisan ng parke sa lahat ng oras at ipinangako na sa kabila ng pandemya, silang dalawa ni Lacuna ay gagawa ng paraan upang mapagaan ang buhay ng mga mahihirap.
Samantala ay binuksan din nina Moreno at Lacuna sa publiko ang newly-redeveloped Arroceros Forest Park sa A. Villegas Street malapit sa Manila City Hall, sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.
Sinabi ng alkalde na ang parke na kilala bilang “Manila’s last lung,” ay siyang lugar kung saan makikita ang centuries-old na mga puno at nagsisilbing proteksyon ng lungsod laban sa air pollution at pinagmumulan din ng sariwa at malinis na hangin bilang nangungunang nature park sa lungsod.
Sinabi ni Moreno na ang parke na kanilang pinasinayaan ni Lacuna ay upang ma-enjoy ng mga residente ng Maynila para sa kanilang mga outdoor physical activities at para sa kanilang simpleng paglalakad bilang pampalipas oras at ito ay kung tapos na ang quarantine at puwede ng lumabas.
Sa iba pang pangyayari, kinansela ng Division of City Schools (DCS), Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ang klase sa Maynila bunga ng masamang kalagayan ng panahon.
Sinabi ni DCS Director Dr. Magdalena na, “classes in all private elementary and secondary schools in the City of Manila is hereby suspended today. The field is being advised to take necessary precautions to avoid adverse effect of the typhoon.”
Sinabi pa nito na ang mga estudyante at faculty ng PLM ay sa online na nagkaklase, habang 20 porsyento ng mga kawani nito ay naka-deploy onsite habang may iba naman na nagpa-facilitate ng mga criticial o essential services bunga ng pagpapatuloy ng MECQ.
Ang UDM naman sa kabilang banda ay inaasahang magiging flexible kung saan ang maaaring dumalo sa synchronous classes ay makakadalo habang ang hindi naman ay excused.
Sinuspinde rin ang trabaho sa Manila City Hall dakong alas-dos ng hapon dahil sa masamang panahon. (ANDI GARCIA)