Advertisers
KALINGA – Nagmistulang teleserye ang operasyon ng pulisya laban sa isang drug suspect nang makipaghabulan at makipagpalitan ito ng mga putok ng baril sa mga pulis sa Bulanao, Tabuk City.
Naka-engkwentro ng pulisya si Victor Guimba ng Loccong, Tinglayan, Kalinga, na may warrant of arrest sa kasong iligal na droga.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 10 dried marijuana bricks na nagkakahalaga ng higit sa P1.2 milyon; isang caliber 9mm Smith at Wesson na may 4 bala; 2 hand grenades; P13, 750 cash; cellphone, bag na naglalaman ng dokumento at kanyang sasakyan.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang Kalinga Police Provincial Office (KPPO) na isang gray Toyota Fortuner (VV 1195) na nagmula sa Metro Manila ang kasalukuyang nasa Tabuk City na pinaniniwalaang ito ang akusado sa pagbebenta ng iligal na droga at ang tangkang pagpupuslit ng marijuana patungo sa Metro Manila kung kaya’t isang operasyon ang ikinasa ng pulisya.
Hindi kaagad nagawang maaresto ng mga pulis ang suspek nang bumunot ito ng baril at itinutok sa kanila, hanggang sa kumaripas palayo ang minamanehong sasakyan nito patungo sa Mapaoay, dahilan ng habulan sa pagitan ng mga awtoridad at nagkapalitan ng mga putok.
Nahinto lang ang suspek nang tamaan ng bala ang gulong ng sasakyan nito. Nagtamo rin ng sugat sa katawan ang akusado na kaagad isinugod sa pagamutan.
Kaugnay nito, inaresto rin ng pulisya ang 18-anyos na lalaking kasama sa sasakyan ni Guimba na taga-Pacak, Agbannawag, Tabuk City.
Si Guimba ay nasa listahan ng Regional Top Ten Drug Personality sa buong Cordillera Administrative Region (CAR). (Rey Velasco)