Advertisers

Advertisers

Oposisyon sa Halalan 2022, matatalo lang Sara Duterte

0 268

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay ipatatalo sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Sasalakayin nila kayo, ngunit magkakanya-kanya sila ng pagtakas…” (Deuteronomio 28:7, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

OPOSISYON, WALANG IISANG KANDIDATO SA PAGPA-PANGULO SA HALALAN 2022: Hindi magkakaroon ng iisang kandidato sa pagka-pangulo sa Halalan 2022 ang mga grupong nagsasabing sila ang oposisyon sa pamahalaang Duterte sa ngayon. Lahat kasi sila ay nagnanais na mahirang na siyang kakandidatong pangulo, at walang nakahanda sa kanila na magbigay-daan sa iisang kandidato lamang.



Dahil dito, inaasahan ng maraming mamamayang Pilipino ang matinding pagkatalo na naman ng mga kandidatong tumututol sa pagpapatuloy ng isa pang Duterte presidency sa pamamagitan naman ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio.

Ang pinakamabigat na dahilan ng napipintong pagkatalo ng oposisyon kay Sara Dutere sa Halalan 2022 ay ang pagkakahati-hati ng boto ng kanilang mga taga-suporta. Dahil marami ang kandidato ng oposisyon, tiyak na hindi sila makakakuha ng sapat na boto upang talunin si Sara.



Ganundin, sa parehong dahil ng pagkakawatak-watak, magiging mahina din ang makinarya at ang resources ng mga kandidatong oposisyon. Magkakaroon pa sila ng pag-aagawan sa mga posibleng campaign contributors, na tiyak magdadalawang-isip sa pagbibigay sa kanila ng campaign funds.

-ooo-



DAHIL WATAK-WATAK ANG OPOSISYON, TAGUMPAY NG KANDIDATO NG ADMINISTRASYONG DUTERTE INAASAHAN: Ang ipinagtataka lamang ng mga nagmamasid sa pulitika ay ang pagpupumilit ng mga kandidato sa oposisyon na tumakbo bilang pangulo. Nagiging katawa-tawa ang mga kandidatong ito dahil alam naman nila, o di kaya ay dapat alam na nila, na wala sila sa katayuan upang tumakbong pangulo kalaban ng isang kandidatong nakatuntong sa makinarya at resources ng nakaupong pangulo.

Dehado ang tayo ng mga kalaban ni Sara, pero, nagpupumilit silang tumakbo. Iba’t iba ang dahilang nakikita ng mamamayan sa pagtakbong ito ng mga kandidato sa oposisyon.

Ang unang dahilan dito, sa mata ng mamamayan, ay kayabangan na lamang ng ilang kandidato. Alam ng mga kandidatong ito na wala silang pera, walang makinarya, at walang popularidad na hahatak ng mga boto. Pero dahil nag-iisip sila na sila ang itinakdang wawasak sa gobyernong Duterte, o di kaya ay magiging tagapagligtas ng mga naghihirap na mamamayan, nanggagalaiti pa din sila, at ipinagpipilitan ang kanilang mga sarili.

Ang iba naman ay nabubuyo na lamang ng kanilang mga taga-suporta o mga kaalyado sa pulitika. Nagpipikit na lamang ng mata ang mga kandidatong ito upang mapagbigyan lamang ang mga pinagkaka-utangan nila ng loob sa pulitika, na ang nais lamang ay maipakitang buhay pa ang partido nila.

-ooo-

ILANG MGA KANDIDATO, ALAM NAMANG MATATALO SILA PERO TUMATAKBO PA DIN: Ang iba namang kandidato ay may pera, at popular dahil sa mga naunang kaganapan sa kanilang mga buhay. Ang nagiging problema lamang, nakikita ng taumbayan na magiging kulang ang kanilang kakayahan sa pamumuno pag nanalo sila, at ang mga nakapaligid lamang sa kanila ang hahawak ng kapangyarihan sa gobyerno.

Bagamat sinasabing magaganda ang mga ipinapahayag nilang plataporma de gobyerno, hindi naman maliwanag kung ano ang kanilang mga inihahandang hakbangin upang magkaroon ng tagumpay ang kanilang mga sinasabing mithiin para sa bayan.

Mayroon din namang mga kandidato sa hanay ng oposisyon na itinatago ang kanilang balaking kumandidato sa layuning may mga magpupumilit sa kanila upang lumahok sa halalang pampanguluhan sa 2022.

Nahihiya, o di kaya ay talagang kumbinsido ang mga kandidatong ito na wala din sila sa katayuan upang manalo, pero pag nakaroon ng mga panawagan sa kanila upang tumakbo, doon sila magpapahayag ng pagtakbo.

Kahit paano, kapag natalo ang mga kandidatong ito, may maidadahilan silang noong una pa man ay ayaw na nilang tumakbo pero napilit lamang sila.

-ooo-

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.