Advertisers

Advertisers

DILG, BINALAAN MGA OPISYAL; BAWAL TUMANGGAP NG REGALO

0 3

Advertisers

Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Governmeny (DILG) sa lahat ng kanilang opisyal at empleyado na mahigpit umanong ipinagbabawal ang pagso-solicit o pagtanggap ng regalo, pabor, at pera habang ginagawa ang kanilang trabaho.

Kasunod umano ito ng mga ulat na natanggap ng departamento na may mga personnel umano ng DILG na ginagamit ang kanilang posisyon para mag-solicit ng pera, regalo, at pabor mula sa mga pribadong indibidwal, ahensya ng gobyerno, at Local Government Units (LGUs).

Mariing giniit ng departamento, mahigpit umano itong ipinagbabawal sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act (RA) No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at posible rin umanong magresulta ng pagkakatanggal sa serbisyo sakaling mapatunayang guilty sa nasabing alegasyon.

Dagdag pa rito, maaari rin umanong makulong ng hanggang 5 taon at pagmultahin ng P5,000 ang sinumang public official na lumabag sa nasabing batas.

Maliban sa RA No. 6713, maaari rin umanong malabag sa pagtanggap ng regalo ang RA No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act kung saan posibleng makulong naman ng hanggang 10 taon at sumailalim sa perpetual disqualification sa public office ang sinumang mapapatunayang guilty sa nasabing alegasyon.

PNP CHIEF, PAIIGTINGIN UMANO ANG IMBESTIGASYON VS PULIS NA PROTEKTOR NG SUGAL

Samantala ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mas pinaigting na intelligence monitoring at imbestigasyon upang matukoy ang mga pulis na umano’y protektor ng iligal na sugal at iba pang ilegal na aktibidad.

Kasunod ito ng pagkakaaresto kamakailan ng isang pulis major na sangkot sa pagbibigay-proteksyon sa iligal na sugal sa Negros Island.

Agad na tinanggal sa puwesto ang nasabing opisyal at isinailalim sa restrictive custody habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y gambling-related activities.

Ayon sa PNP chief, ang ganitong uri ng tauhan ay itinuturing na sumisira sa integridad at imahe ng organisasyon.

Sana mabigyan ng pansin ni PNP Chief Nartatez ang matagal nang usap-usapan kaugnay sa pamamayagpag ng jueteng at sugal sa Peryahan tulad ng “color games at drop ball baraha” na lantad sa 14 na bayan at isang siyudad sa Oriental Mindoro.

Ayon sa impormasyon, hindi basta-basta ang mga bigtime na operator at financier ng sugal —may matibay na “backup” na alyas Sgt. Raymond, Sgt. Manalo at Sgt. Nonoy na diumano’y mga naka talaga sa Police Provincial Office at Regional Police Office MIMAROPA.

Sila umano ang diumano’y “kapustahan” ng mga bigtime na mga gambling operator na tumatanggap ng lingguhang lagay o payola para sa ilang piling mataas na opisyal ng kapulisan sa lalawigan maging sa ilang kasapi ng media.

Sa ganitong sistema, malinaw kung bakit hindi natitinag ang operasyon ng jueteng at ang mga salot na sugal sa Peryahan.

Ang nakapagtataka, tila walang nakikitang galaw mula kay Oriental Mindoro PNP Provincial Director PCol Edison Revita at PRO4-B Regional Director PBGen. Christopher Dela Cruz? Mismo!

***

Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177978/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com