Advertisers
PINATAG ng San Miguel Beermen sa 1-1 ang best of seven semifinals ng PBA Philippine Cup laban sa TnT matapos itakas ang 98-96, wagi sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Bumida sa panalo ng Beermen si Terrence Romeo na nagtala ng 26 points habang mayroong 22 points si June Mar Fajardo at 14 points naman si Alex Cabagnot.
Sinabi ni Romeo na nais niya talagang tulungan ang Beermen na manalo at hindi hahayaan magwagi pa ang TnT.
Humanga naman si Beermen coach Leo Austria sa ipinamalas ng kaniyang mga manlalaro at sinabing nandoon ang nasabing puso nila para manalo.
Hawak ng TnT ang kalamangan ng laro mula sa unang quarter hanggang nakahabol lamang ang Beermen sa huling bahagi ng laro.
Sa ikalawang laro, minasaker ng Magnolia Hotshots ang Meralco Bolts 92-78 para makuha ang 2-0 na kalamangan sa best of seven semifinals sa nagpapatuloy na 2021 PBA Philippine Cup.
Pinangunahan ni Paul Lee ang opensa ng Magnolia na nagtala 28 points habang mayroong 16 points na ambag si Ian Sangalang.
Naging malaking hamon naman sa Bolts ang laro matapos na ma-eject sa laro si Cliff Hodge ng tawagan ito ng technical at flagrant foul.
Halos hindi makalayo ang Magnolia sa bawat quarter hanggang tuluyan ng makalayo sila sa huling yugto ng laro.