Advertisers

Advertisers

Marcos at Duterte camps, posibleng mag-alyansa sa Halalan 2022

0 347

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sinabi… ni Jesus, `Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman’…” (Juan 21:25-26, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

MGA SUPPORTERS NI SARA DUTERTE, NANINIWALANG TATAKBO PA DIN ANG ALKALDE BILANG PANGULO SA HALALAN 2022: Hindi nawawalan ng pag-asa, kaya naman nagpapatuloy sa pag-o-organisa sa mga lunsod at bayan sa Pilipinas, ang iba’t ibang mga grupong humihimok kay Davao City Mayor Sara Duterte Carpio na tumakbo bilang pangulo sa Halalan 2022.



Ayon sa mga social media chat groups ng mga grupong ito, ang kanilang mga pagkilos ay patuloy na paghahanda pa din sa pagtakbo bilang pangulo ni Mayor Sara. Matatag ang paniniwala nilang kandidato si Sara sa pagkapangulo sa 2022. Ito ay sa kabila ng hindi pagsusumite ni Sara ng certificate of candidacy sa panahon ng filing ng certificate of candidacies mula October 01 hanggang October 08, at sa kabila ng siya ay naka-quarantine ngayon dahil nagpositibo ito sa Covid 19.

Sa ngayon, nagkukumahog pa din ang mga supporters ni Sara, lalo na yung grupong nagsusulong ng “Run Sara Run” movement, sa pagtatayo ng iba’b ibang chapters sa maraming lugar. Tila kumbinsido sila na sa kabila ng mga pagtanggi ni Sara, at maging ng Pangulong Duterte noong Lunes, Oktubre 11, 2021, na tatakbo ang alkalde bilang official candidate ng Duterte wing ng PDP Laban, magtutuloy pa din sa kaniyang pagkandidato ang panganay na anak ng pangulo.

Pinalakas ang loob ng mga supporters ni Mayor Sara ng biglang pagsusumite noong Oktubre 08, 2021, sa mga huling minuto ng submission ng certificates of candidacy para sa puwesto ng pangulo, ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, kilalang kaalyado ng Duterte family. Si Dela Rosa ay matagal na nanilbihan bilang hepe ng pulisya ng Davao City, at, noong maluklok bilang pangulo si Duterte noong 2016, itinaas siya ng Pangulo bilang pinuno naman ng pambansang pulisya, ang Philippine National Police.

-ooo-

MARCOS AT DUTERTE CAMPS, AT MAGING NG IBA PANG MGA KAMPO, PAPASOK SA MGA ALYANSA UPANG TIYAKIN ANG KANILANG PANALO SA HALALAN 2022: Sa mga panayam ni Dela Rosa at ng iba pang pinuno ng PDP Laban Duterte wing, hindi nila itinatanggi na paghahanda ito kung sakaling sa huling sandali ay magpasya si Mayor Sara na tumakbo pa din, bilang substitute candidate. Sa pananaw ng maraming political analysts, ang ginawa ni Dela Rosa ay bahagi ng plano ng Duterte wing ng PDP Laban upang itago muna ang kanilang tunay na mga maniobra, gaya ng maniobra noong 20216 ng Pangulo.



Samantala, may mga grupo namang naniniwala na hindi talaga tatakbo sa Halalan 2022 si Mayor Sara bilang pangulo, at pangangatawanan nito ang kaniyang pasyang tumakbo ulit, para sa kaniyang ikatlong termino, bilang alkalde ng Davao City. Sa ganitong sitwasyon, tinitiyak ng mga nagmamasid na ito sa pulitika sa bansa na magkakaroon, kundi man mayroon na nga sa ngayon, ng kasunduan ang Duterte group sa grupo naman ng kasalukuyang presidential candidate na si dating Senator Ferdinand Bongbong Marcos.

Lumilitaw na kailangan kasing maging kaalyado pa din ng Pangulong Duterte ang susunod na pangulo, upang magsilbi itong proteksiyon para sa kaniya at sa kaniyang mga kaalyado sa susunod na anim na taon. Sinasabing matindi at magiging malakas na alyansa ang pagsasama ng Marcos at Duterte groups para sa Halalan 2022.

Samantala, mananatili namang kandidato sa pagka-bise presidente si Senador Christopher Bong Go, pero, siya na ang magiging running mate ni Marcos. Kung aalalahin ng sambayanan, nagpakita na ng tibay ng samahan ang mga Marcos at mga Duterte noong nag-u-umpisa pa lamang sa kaniyang panunungkulan ang Pangulong Duterte.

-ooo-

BATO COC FOR PRESIDENT, BONG GO COC FOR VICE, TACTICAL MOVES NA MALALIM ANG LAYUNIN: Sa kabila ng masugid na puna at batikos ng marami, partikular sa mga kalaban sa pulitika ng mga Marcoses, itinuloy ni Duterte ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Naging susi ang pasyang iyon ni Duterte ng mga protesta at mga kritisismo laban sa kaniya, pero hindi natinag ang pangulo, hanggang sa ngayon.

Maraming dahilan ang ini-a-alok upang ipaliwanag ang naging pasyang iyon sa libing ni Marcos ng pangulo, pero iisang rason lamang ang lumitaw na makatotohanan: matagal ng may samahan ang mga pamilya Marcos at pamilya Duterte, bago pa man tumakbo si Duterte bilang pangulo noong 2016.

Sa kabilang dako, maraming political observers din ang nagpapahayag na kung sakaling tatakbo nga bilang pangulo si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio, babawiin ni Marcos ang kaniyang kandidatura bilang pangulo, at magsu-substitute siya sa mga nauna ng nagsumite ng COC for vice president, gaya ni Sen. Bong Go.

Si Sara at si Bongbong ang magiging tandem ng iba’t ibang mga partido, gaya ng PDP Laban Duterte wing, at Federal Party of the Philippines, yung partidong nagbigay ng certificate of nomination kay Marcos. Kung susumahin kasi ang mga term of office nina Go at Dela rosa, hindi pa naman sila mawawala sa Senado kahit na matalo sila o bawiin nila ang kanilang mga isinumiteng certificates, upang bigyang-daan sina Sara at Bongbong.

-ooo-

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.