Advertisers

Advertisers

Palasak

0 2,117

Advertisers

MULA Aparri hanggang Jolo walang lugar sa pulitika ang tulad ni Mang Juan na makapaglingkod bilang halal ng bayan. Walang lugar sa kalakarang ito ang balana na ginto man ang layunin sa paglilingkod. Ang kawalan ng pondo’t pangalan sa larangan ng pulitika ang balakid na balaraw ang nakaamba kay Mang Juan na dalisay ang hangaring maglingkod.

Maaaring maglingkod sa bayan basta’t hindi kailangan ihalal at hindi dadaanan ng pondo mula sa pawis na langis na nagpapatakbo sa pamahalaan. Isang panaginip ang pumasok sa politika ang isang Mang Juan dahil may kamahalan at lubhang mapanganib sa buhay ang pagpasok dito. Lalo’t mayroong gold, goons & guns ang makakatungali na ayaw bumitiw sa posisyong hinahawakan.

Sa lokal na halalan, silipin ang mga lider na nagpasa ng intensyon sa pagtakbo. Palasak ang pagsasabi ng pagkakaisa o unity subalit pami-pamilya ang paghahain ng pagnanais na masungkit ang posisyon na babakantihin ng ama, ina, anak o asawa. Hindi ito para kay Mang Juan, usapin ito ng pamilya na ayaw mailipat ang kapangyarihan sa sino man.



Ipapasa ang pwesto at lalaban sa ibang posisyon mababa o mataas basta’t manatiling aktibo sa mata ng madla. Tunay na nakakaakit ang sarap ng buhay na nakakamit sa pwesto na galing kay Mang Juan at sa balana. Kahit walang kahandaan ang paglilipatan ng posisyon, sige lang, nariyan ang ama o ina na matatakbuhan. Walang dahilan na ilipat ang kapangyarihan sa iba dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng pamilya ‘di bale ang bayan. Ito ang salamin ng kaganidan ng pulitika sa bansa.

Mula Norte hanggang Timog ang mga dating pangalan ang makikita sa mga balitang halalan. May mga balita ba hingil sa mga bagong pasok sa larangang ito na nagsumite ng CoC? Meron o wala, hindi dinadala ng media ang mga ito dahil sa panlasa ng mga tagapanood. At sa ilang pagkakataon, kung may nababangit na bagong ngalan, ito’y artista, atleta o negosyante na binibigyan ng puwang kahit saglit. At kung dala’y prinsipyong may tama sa katotohanan, manigas ka at malamang ‘di ibabandera. Ang mga lumang pangalan ang madalas na inilalabas na ibig ng mga nanonood na mahilig sa sikat, tsika at sa mga bagong ambisyoso, ano kayo hilo.

Sa kaganapang politika sa bansa, ang mga dating magkakatungali pa rin ang mag-aagawan sa posisyon at ang balana’y taga boto ang papel. At kung sino ang manalo’y hindi sasalamin sa pangangailangan ni Mang Juan. Walang lugar si Mang Juan sa interes ng mga ito, ang kanila’y mapanatili ang kasaganaan ng buhay sino man ang makalaban. Bale wala ang masang kinakatawan ni Mang Juan. Mahigpit man ang magiging laban, walang bibitaw sa mga dayukdok na ang nasa-isip ang kinabukasan ng pamilya.

May nananawagan na galangin ang rule of the incumbent kung magkapartido na kahit malabnaw ang pagsisilbi’y nais magpatuloy, lalo’t malakas ang ngalan ng katungali sa posisyon. At nariyan na kinukuha ang suporta ng partido partikular ng kasalukuyang administrasyon upang mapatatag ang hawak sa kapangyarihan. Habang may iba na umuupa ng kandidato na babasag sa lakas ng kalaban upang matiyak na ang solidong boto’y mabawasan na magdadala sa kanyang panalo. Iba mangusap ang salapi, ang matigas na bato’y mapapalambot. At ang hindi makuha sa paki-usap dadaanin sa dahas. Siyempre nariyan ‘ang bilihan upang magwithdraw ng kandidatura sa halaga ng hindi maaayawan.

Sa larawan sa itaas mainam na lamanan ito ng halimbawa ng mga politikong magtatagisan sa inaasam na posisyon, na magitiyak ng paninilbihan at ng hayahay na buhay.



Sa isang lungsod sa kalakhang Manila, magsasagupang muli ang dating magkakatungali, ang kasalukuyang alkalde at dating kinatawan ng isang distrito ng lungsod, na partylist congressman sa kasalukuyan para sa pagka alkalde ng lunsod. Maganda ang laslasan ng leeg ng dalawang politiko dahil muling masusubok ang kinatawan bilang alkalde ng lunsod. Matingkad ang pagganap nito sa pagsasara ng isang TV network, at ang pagganap nito sa usapin ng Philhealth na nagbigay sa kanya ng media mileage.

Ang pagiging maingay sa mababang kapulungan ng kongreso, ang plataporma na tinatapakan na nagbigay tapang na labanan ang kasalukuyang alkalde na ang gawa’y magpataas ng buwis sa lunsod. Ang ganda nito, mga batang politiko ang maglalaban ngunit may tikas na tahiran sa labang politika.

Sa laban ng alkalde at ng kinatawan, masasabing patas o neck-to-neck race ito. Ang bentahe ng alkalde’y poder, pondo na hawak at ang babang mahaba na ungos sa kalaban. Ngunit hindi papahuli, ang batang GMA na maraming bala mula noon hanggang ngayon ‘di pa usapin ang mga pagtatakip sa mga kagaguhan ng pambansang Mayor. Maraming media ang naglabas sa imbestigasyong ginawa na napanood ‘di lang sa lungsod maging sa buong bansa.

Mabigat ang mga kasama sa line-up nito mula sa bise alkalde, mga representante at mga konsehal na nagpatatag sa posisyon sa pagtakbo. Hindi pa napag-usapan ang lapit sa politiko na kapalitan sa mga imbestigasyong ginawa na malapit sa mapag-endorsong relihiyon. Maganda ang laban, subalit o tila walang ibang pangalan ang napapabalita dahil ba sa kawalan ng kakayahan sa pondo na ipagtatapat sa mga batikang politiko. Mailap sa mahirap ang pagkakataon na hinahanap sa kawalan ng pantustos sa larangang ito. Kung mayroon mang tiyak ang ‘di matatapatang laki ng puhunan ng dalawang naglalaban.

Sa laban ng pulitika sa bansa na pinagbibidahan ng dati o lumang politiko, ang ngalan at yaman ang katangiang nag-aangat sa mga ito. At sa kasalukuyang nasa posisyon, pambansa o lokal, malinaw na walang puwang ang balana na maka tawid sa kinasasadlakang kalagayan sa kilos at gawa na ipinakita ng mga taong nasa poder ng kapangyarihan. Tila isang family enterprise ang politika na ipinamana ang pwesto sa kamag-anakan at hayaan si Mang Juan na maging taga boto na lang.

Palasak ang kaayusang ito, kay Mang Juan, gumising at huwag umasa sa pagbabagong ‘di nagbabago dahil hindi natuto na dapat ikaw ang magsulong sa nais na pagbabago. Wakasan ang palasak na kalakaran na sila-sila, tayo tayo at kami-kami sa politikang sinasamantala. At sa media, bigyan puwang ang mga kandidato ng balana na sumusubok pigilan ang mga pulitiko na nasadlak sa bayan sa kahirapan. Bayan muna hindi lang ang sarili.

Maraming Salamat po!!!