Advertisers

Advertisers

Kami ang inyong tagatugis

0 412

Advertisers

ANUMAN ang dahilan sa likod ng panibagong pagyurak sa hanay ng mga mamamahayag gaya ng pagpaslang kay Manila Standard correspondent Jesus ‘Jess’ Malabanan noong nakaraang linggo ay di kami panghihinaan na magsisilbi tagatugis sa mga may kagagawan ng mga krimeng ito, kasama na ang pagkakahuli sa sinomang mga mastermind.

Bilang namumuno sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang inyong lingkod ay nalungkot nang mabalitaan kong si Malabanan ay pinaslang ng dalawang hitman sakay ng isang motorsiklo, sa loob mismo ng bakuran ng biktima noong December 8, 2021 sa Calbayog City.

Personal kong kakilala at kaibigan si Malabanan dahil ako rin ay nakapagtrabaho sa Manila Standard ng labing-dalawang taon bilang defense beat reporter at iba’t iba pang beat nang makilala ko si Malabanan bilang correspondent na noong una ay naka-base sa Angeles City, Pampanga at nagplano nang manatili sa Samar upang pangalagaan ang pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka sa kanyang maliit na lupain sa Calbayog.



Noon ngang 2017 humingi rin ng tulong ang ating kaibigan sa PTFoMS at nabigyan naman natin agad ng tulong sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP) na nag-talaga agad ng mg security escorts kay Malabanan. Pinasalamatan pa niya ako sa isang message at prinisenta ang kanyang sarili sa task force na maaari siyang maging speaker upang ibahagi ang kanyang karanasan sa panganib na nakaamba sa bawat miyembro ng media.

Ang inyong PTFoMS ay nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte pagka-upo niya bilang pinuno ng bansa upang alalayan ang mga kasapi ng sektor ng pamamahayag dahil alam ng Pangulo na tunay na mapanganib ang media profession.



Ang pagpaslang kay Malabanan ay isang karuwagan sa gitna ng pandemiya, at hindi namin ito mapapatawad. Sino man ang nasa likod nito ay amin ding madidiskubre kalaunan sa pamamagitan ng matinding pagiimbestiga katuwang ang Philippine National Police.

Katunayan ay gumawa na ng isang task force para lamang tumutok sa kaso ng pagpaslang kay Malabanan ang Calbayog City Police habang tinutugis ang mga salarin na tumakas patungong San Isidro, Northern Samar matapos barilin ang biktima sa loob ng kanilang bakuran sa Barangay San Joaquin, Tinambacan District Calbayog City.



Wala kaming nakikitang naging kaaway ni Malabanan, dahil hindi rin naman mapagtuligsa ang aking kaibigan base sa mga sinusulat nitong mga balita. Ang batikang manunulat ay napabilang pa nga sa mga news outfits gaya ng Reuters.

Ang kanyang mithiin na manatili sa Samar upang mag-saka habang patuloy sa pagsusulat ng mga balita sa lugar, ang amin ngayong tinitingnan kung may kinalaman sa pamamaslang sa kanya.

Anu pa man ang aming mahukay sa kasong ito, ay ipinangangako ko sa kanyang mga naulilang mga mahal sa buhay, na aming tutugisin ang mga gumawa ng karumal-dumal na krmeng ito sa mamamahayag.

Taos puso akong nakikiramay sa kanyang pamilya at sa mga susunod na mga araw ay tutungo ako sa kanilang lugar upang makiramay at kausapin ang mga otoridad upang mapabilis ang pag-usad ng imbestigasyon. Paalam.