Advertisers
SUGATAN at nagtamo ng mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang biyuda nang pagpapaluin ng may-ari ng punerarya na hindi niya pa nababayaran sa funeral services ng yumao niyang mister sa Santa, Ilocos Sur.
Ayon sa ulat, nagtamo ng mga sugat at pasa sa braso, binti at likod ang ginang na itinago sa pangalang “Aida”, 53 anyos.
Nangyari ang pamamalo ng tubo ng lalaking may-ari ng pnerarya na hindi muna pinangalan at may kasamang dalawang tauhan nang magpunta ang mga ito sa bakuran ng biktima.
Ayon sa may-ari ng punerarya sa bayan ng Bantay, tatlong beses na niya ipinabarangay ang ginang para singilin ito sa pagkakautang.
Napag-alaman na Mayo 2021 nang mamatay ang mister ng ginang dahil sa sakit.
Sinabi ng may-ari ng punerarya na ang abogado nalang niya ang sasagot kung magsasampa ng reklamo ang ginang.
Hindi inabutan ng mga pulis sa lugar ng insidente ang mga salarin pero nakita ang mga ito sa CCTV ng barangay.
“Nahagip po sila (mga suspek) ng CCTV ng barangay kaya na-confirm po ‘yung sasakyan tapos ‘yung plate number. Bale magpo-fall na parang frustrated murder o frustrated homicide depende na po sa fiscal,” ayon kay Police Lieutenant Joseph Fieldad, hepe ng Santa Police station.
Inihayag din ng pulisya na nakapagsampa ng reklamo ang biktima at hinihintay nalang ang warrant of arrest laban sa may-ari ng punerarya.