Advertisers
Naghain ng dalawang magkahiwalay na resolusyon sina Senator Ping Lacson at Senator Bam Aquino na layong paimbestigahan ang mataas na singil sa kuryente.
Sa Senate Resolution 508 ni Aquino, at Senate Resolution 511 ni Lacson, pinasisiyasat sa kaukulang komite sa Senado ang tumataas na presyo o singil ng kuryente sa bansa.
Binigyang-diin ni Aquino sa kaniyang resolusyon na isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na singil sa kuryente at malaking hadlang ito sa paglago ng ekonomiya, nagpapabigat sa gastusin ng mga pamilya at mga maliliit na negosyo, at nakapagdudulot ng seryosong pangamba sa kakayahan, transparency at overall performance ng electric power sector.
Partikular naman na pinaiimbestigahan ni Lacson ang mga dumadagsang reklamo sa Meralco ukol sa bigla at hindi maipaliwanag na pagtataas ng singil sa kuryente.
Tinukoy sa resolusyon ang napakaraming reklamo ng iregularidad o maling pagbasa ng metro at ang problema sa patuloy na tampering ng metro, illegal connections at paggamit ng jumpers na ipinapapasan sa mga matitinong consumers.
Ikinakatwiran ng Meralco na ang dahilan sa pagtaas ng kanilang singil ay ang mataas na generation cost ng mga planta ng kuryente, pagtaas sa presyo ng petrolyo, at paghina ng piso kontra dolyar.
MULTA SA MGA NAGTATAPON NG BASURA PINAG-ARALAN NA NG MALAKANYANG
Samantala pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagtataas ng multa at paghihigpit ng parusa sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura kung saan-saan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ikinababahala ng Malacañang ang mga CCTV footage na nagpapakita ng mga taong nagtatapon ng basura sa mga estero, creek at maging sa mga kalsada mula sa mga umaandar na sasakyan.
Patuloy naman aniya ang mga proyekto at hakbang ng pamahalaan laban sa pagbaha, ngunit kailangan din ang disiplina at kooperasyon ng publiko.
Kung hindi man makatulong sa paglilinis, nanawagan ang Palasyo sa publiko na huwag na lamang dumagdag sa problemang nagdudulot ng pagbaha.
Sa ngayon, tinatalakay na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang planong taasan ang multa at higpitan ang parusa sa mga lalabag.
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com