Advertisers

Advertisers

RA at DO ng DOTr: Magkasalungat ba sa Usapin ng PETC at PMVIC?

0 61

Advertisers

Lumapit sa Misyon Aksyon ang ilang operator at may-ari ng Private Emission Testing Centers (PETCs) upang ihayag ang kanilang mga hinaing kaugnay ng pagpapatupad ng mga patakaran ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO), partikular sa operasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs).

Ayon sa kanila, ilang PETC ang hindi na umano na-renew ang kontrata matapos mapatawan ng mga penalty dahil sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang sinasabing late upload ,identical test results at iba pang violations. May isang operator umano na umabot sa humigit-kumulang ?32 milyon ang ipinataw na penalty.

Dahil dito, walong PETC o smoke emission testing centers umano ang kasalukuyang nanganganib na hindi makapag-ooperate sa mga lugar gaya ng Montalban at San Mateo, Rizal; Baybay, Leyte; Tagbilaran at Talibon, Bohol; Boac, Marinduque; Sta. Maria, Bulacan; at Brooke’s Point, Palawan.

Iginigiit ng ilang PETC operators na tila nabibigyan umano ng higit na pabor ang mga PMVIC. Ayon sa kanilang pahayag, umaabot umano sa ?50 milyon ang kinakailangang puhunan upang makapagtayo at makapag-operate ng isang PMVIC. Kabilang umano rito ang halaga ng mga kinakailangang kagamitan at iba pang gastusin kaugnay ng pagtatayo at operasyon nito.

Isa sa mga pangunahing usaping nais nilang malinawan ay ang saklaw ng mandato ng PETC at PMVIC.

Ayon sa kanilang interpretasyon, ang mandato ng PMVIC ay pangunahing nakatuon sa motor vehicle inspection, samantalang ang mga PETC naman ang orihinal na binigyan ng kapangyarihan sa ilalim ng umiiral na batas upang magsagawa ng smoke emission testing.

Gayunman, nang mailabas umano ang isang Department Order noong panahon ni dating DOTr Secretary Arthur Tugade, isinama rin sa saklaw ng PMVIC ang pagsasagawa ng emission testing bilang bahagi ng kanilang vehicle inspection process.

Dito ngayon nagmumula ang mahalagang tanong:

Maaari bang palawakin ng isang Department Order ang saklaw ng isang mandato kung taliwas o hindi naaayon ito sa nakasaad sa isang Republic Act?

Ito ang isa sa mga usaping hinihiling ng mga PETC operators na malinaw na masagot ng DOTr, LTO, at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Ibinabato rin nila ang alegasyon na may ilang PMVIC na nakagagawa umano ng mga paglabag kaugnay ng Motor Vehicle Inspection System Report (MVISR), kabilang ang sinasabing paglabag sa Section 14.9 ng kaukulang regulasyon. Hinihiling nilang siyasatin kung pantay at pare-pareho ang pagpapatupad ng mga patakaran at parusa sa PETCs at PMVICs.

Kung mahigpit na ipinapatupad ang mga regulasyon laban sa PETCs, nararapat lamang, ayon sa kanila, na ang kaparehong pamantayan at proseso ay pairalin din sa lahat ng PMVIC.

Dahil dito, nananawagan tayo sa Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Department of Transportation, Land Transportation Office, Office of the Ombudsman, Department of Justice, Senado, Kamara de Representantes, at sa mga mambabatas na nangangasiwa sa larangan ng transportasyon na masusing siyasatin ang mga isyung ito.

Mahalagang malinawan kung may tunay na pagkakasalungatan sa pagitan ng Republic Act at Department Order, kung tama ang pagpapatupad ng mga umiiral na regulasyon, at kung may mga paglabag sa Section 14.9 o iba pang probisyon na hindi nabibigyan ng kaukulang aksyon.

Higit sa lahat, dapat tiyakin na ang anumang polisiya sa motor vehicle inspection at emission testing ay patas, naaayon sa batas, transparent, at hindi nagdudulot ng hindi kinakailangang karagdagang pasanin sa publiko, sapagkat ang mga motorista at mamamayan ang direktang sumasagot sa mga kaukulang bayarin.Kahit maraming pag labag ang PMVIC sa MVISR Motor Vehicle System Inspection Report na tahasang pag labag sa Sec 14 .9 ay kinokonsinte umano at bulag ang mga taga DOTR at LTO .

Bukas ang kolum na ito sa panig ng DOTr, LTO, PETC operators, PMVIC operators, at iba pang kinauukulang opisyal at ahensya para sa kanilang paglilinaw, paliwanag, at opisyal na tugon ukol sa mga isyung nabanggit.