Advertisers
PINATUTUGIS ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo sa mga otoridad ang mga hoarders at price manipulators ng mga gamot para sa COVID-19 symptoms.
Sa gitna na rin ito ng ulat ng nagkakaubusang suplay ng paracetamol na panggamot sa lagnat na isa sa mga sintomas ng COVID-19.
Ipinaalala nito na noong pagputok ng pandemiya ilang negosyo at mayayaman ang nag-hoard ng face masks at face shields dahilan kaya umakyat din ang presyo ng mga ito.
Ayon sa kinatawan, dapat mahigpit na ipatupad ng DTI, DILG, DOH, PNP at local government units ang mga batas, regulasyon at local ordinances na nagbabawal sa hoarding at price manipulation ng mga consumer products.
Kailangan aniya na protektahan ang kapakanan ng publiko lalo na ang mga mahihirap na mawawalan ng access sa gamot.
Katunayan, dito aniya sa Quezon City, maaaring suspindehin o bawiin ang business permit ng establisyimento na mapatutunayang nag-hoard o nagmanipula ng presyo ng bilihin.
Para naman hindi mauwi sa hoarding, pinatitiyak ng mambabatas sa pamahalaan at manufacturers na may sapat na suplay ng COVID-19 medicines. (Henry Padilla)