Advertisers

Advertisers

Marcos, di puwedeng ma-disqualify bilang kandidatong pangulo

0 237

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, `Magpakabanal kayo, sapagkat ako’y banal’…” (1 Pedro 1:15-16, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

MARCOS, DI PUWEDENG MA-DISQUALIFY BILANG KANDIDATONG PANGULO: Hindi maaaring matanggal si dating Sen. Ferdinand Marcos Jr. sa pagtakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022 batay sa dalawang batas na sinasabi ng isang retiradong mahistrado ng Korte Suprema, ayon sa mga abogadong nakipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas sa kondisyong ang kanilang pagpapahayag ay kanilang pansariling opinyon na hinango mula sa mga talakayan sa kanilang mga kapwa abogado.



Ayon sa mga abogado, taliwas sa mga sinasabi ng mga batas ang mga pahayag ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio. Si Carpio ay masugid na nagsusulong ng kandidatura ng isang kalaban ni Marcos sa panguluhan sa halalan sa darating na Mayo 09.

Hindi pupuwedeng gamitin ang mga batas na tinutungtungan ni Carpio upang madis-kuwalipika si Marcos dahil hindi sakop si Marcos ng nasabing mga batas, dagdag pa ng mga abogado. Hinimok din ng mga abogado ang dating mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman na humarap sa mga pagdinig sa Commission on Elections kaugnay ng mga petisyong iniharap doon ng mga kalaban ni Marcos si Carpio.



Hindi na makatwiran yung ginagawa ni Carpio na nagsasalita siya ng nagsasalita sa labas ng Comelec, at nagpapahayag ng kaniyang opinyon sa mga disqualification cases laban kay Marcos, ayon sa mga abogado.

Una, tuwirang pakikialam sa mga gawain ng Comelec ang anumang pagpapahayag ninuman tungkol sa mga isyung nakabimbin at siya ng nililitis o dinidinig ng poll body. Ikalawa, nilalabag na ng mga nagpapahayag sa labas ng Comelec, gaya ni Carpio, ang tinatawag na “sub judice” rule ng mga hukuman at mga ahensiyang may tungkuling magpasya sa mga kasong idinudulong sa kanila gaya ng mga kaso sa Comelec.



***

MGA NAGSUSULONG NG DISQUALIFICATION NI MARCOS, MAY MGA SARILING MANOK KASI SA PANGULUHAN : Ayon sa “sub judice rule”, itinuturing na contempt of court ang pagsasalita sa mga merito ng isang kaso, na maaaring parusahan ng multa at pagkakakulung. Nagpapahayag din ng pagkamangha ang maraming mga abogado na nakipag-usap sa batas na tila tahimik at hindi kumikilos ang Comelec sa mga pahayag tungkol sa mga kasong nililitis nito.

Lumilitaw tuloy na tila kinukunsinti ng Comelec ang mga pagpapahayag ng mga tao, bagamat nakakabawas na ang mga pagpapahayag na ito sa karangalan ng mga proseso sa poll body. Ipinunto ng mga abogadong nakipag-usap sa Kakampi Mo Ang Batas na ang patuloy na pagsasalita ng sinuman sa isyu ng disqualification laban kay Marcos ay nakaka-impluwensiya sa isip ng mga mamamayan.

Maaaring sa kalaunan ay ma-brainwash ang marami sa mga botante at kanila pang kukuwestiyunin ang anumang pasya ng Comelec na hindi kakatig sa mga inihahayag sa publiko ng mga gaya ni Carpio.

Maliwanag na ang layunin ng anumang pagpapahayag sa labas ng Comelec ay naglalayong impluwensiyahan di na lamang ang mga commissioners doon, kundi ang buong sambayanan. Hindi ito bahagi ng Kalayaan sa pamamahayag, dahil ang kalayaang ito ay nalilimitahan naman ng pangangailangang makapagpasya ang mga hukuman, gaya ng Comelec, ng walang kinikilingan.

Lalo na kung iisipin, ayon sa mga abogado, na ang mga nagpapahayag sa publiko, gaya ni Carpio, ay may sinusuportahang kandidato na kalaban ni Marcos. Maliwanag na dalawa ang layunin ng kaniyang mga pagpapahayag—sirain si Marcos at ang tiwala ng mga botanteng Pilipino, at isulong ang kandidatura ng kaniyang manok sa panguluhan.

Sa kabilang dako, sa pananaw ng mga abogado, hindi maaaring gamitin ang mga batas na binabanggit ni Carpio bilang batayan ng pagdi-diskuwalipika kay Marcos. Una, ang Section 12 ng Omnibus Election Code ay nakakasakop lamang sa mga nasentensiyahan ng mga hukuman tungkol sa kanilang mga ginawa matapos maging ganap na batas ang nasabing Omnibus Election Code.

***

COMELEC, BAKIT TAHIMIK SA MGA NAGKO-KOMENTARYO SA KASO NI MARCOS?: Ang Election Code na ito ay nagkabisa noong 1985. Ibig sabihin, ang Election Code ay magagamit lamang kung ang sentensiya ng mga hukuman sa isang kandidato ay lumabas para sa mga krimen na ginanap matapos ang 1985.

Ang sinasabing krimen ay naganap bago 1985, gaya ng sinasabing sentensiya ni Marcos sa non-filing of tax returns noong 1982, 1983, at 1984, hindi siya maaaring sakupin ng disqualification ng Section 12.

Ito ay batay na din sa Section 272 ng Omnibus Election Code na ganito ang sinasabi: “Pending actions and causes of action arising before the effectivity of this Code shall be governed by the laws then in force…”

Ang sinasabing paglabag ni Marcos ay naganap diumano bago nagkabisa ang Omnibus Election Code kaya di siya sakop ng disqualification dahil ang sinasabing paglabag niya ay naganap bago ang 1985. Sa disqualification naman tungkol sa paglabag sa Section 253 ( c) ng Tax Code, hindi din sakop si Marcos doon.

Sa Section 253 ( c ), disqualified sa pagtakbo ang sinumang nakaupong opisyal ng gobyerno na masesentensiyahan habang siya ay nakaupo pa. Sa kaso ni Marcos, hindi na siya opisyal sa anumang sangay ng gobyerno noong bumaba ang sentensiya sa kaniya ng Court of Appeals kaya hindi na siya nasasakop ng Section 253.

***

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.