Advertisers
MATAPOS ang babala sa posibleng pagdami pa ng magpopositibo sa Covid-19, nanawagan si Dr. Willie Ong sa lahat ng opisyal ng gobyerno na umorder ng mga gamot na Molnupiravir at Paxlovid na mabisang gamot laban sa Omicron.
“Feeling ko, magkakaroon pa tayo ng another wave, hopefully mas mild o mas mababa kesa Omicron,” sabi ni Doc Willie, na isang internist at cardiologist at magaling na medical vlogger.
Kasunod nito, sinabi ni Ong na magandang gayahin ng mga lokal na pamahalaan ang sistemang ipinatutupad ng lungsod ng Maynila sa paglaban sa pandemyang COVID-19.
Sa kanyang FaceBook account, sinabi ng 58-anyos na doktor na pinaghandaan na ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pagtugon at paglaban sa nararanasang pagdami ng pasyenteng may COVID-19.
Sinabi ni Doc Willie na maagap na sinunod ni Yorme Isko ang payo niya na bumili ng mga gamot na epektibo sa pagliligtas ng buhay laban sa pandemya tulad ng Remdesivir, Tocilizumab, Baricitinib, at Molnupiravir.
Mabisang magpagaling ang Molnupiravir sa mga bahagyang o magaang sakit ng COVID-19.
Kailan lang, tinanggap ng siyudad ang dagdag na 20,000 tabletang Molnupiravir matapos maubos ang mahigit sa 30,000 tableta na libreng ipinamigay sa mga pasyente sa buong Luzon.
Sa darating na linggo, darating ang inorder pa na mahigit sa 20,000 tabletang Molnupiravir, sabi ni Doc Ong na kandidatong bise presidente ng Aksyon Demokratiko.
Ayon pa kay Ong, libreng ipinamimigay ni Isko, pambatong kandidatong presidente, ang mga gamot kontra COVID-19.
“Libre po yan dito sa Maynila. Marami tayong Molnupiravir maski nagkakaubusan. Pang limang order na ata ni Yorme ng Molnupiravir,” sabi ni Doc Willie.
Ibinida ni Ong na sa loob ng dalawang taon lamang, dalawang ospital ang naipatayo ni Yorme Isko, ito ang New Ospital ng Maynila at President Cory Aquino General Hospital, bukod pa ang COVID -19 Field Hospital sa Rizal Park.
Ayon pa kay Ong, handang tumanggap ng mga pasyente ngayong Enero ang 10-palapag na modernong New Ospital ng Maynila.
Kung papalarin na si Yorme Isko at siya ay manalo sa eleksiyon sa Mayo 2022, ikokondisyon nila ang 16 na ospital sa rehiyon ng bansa.
Plano rin ng Team Isko ang lahat ng ospital ng gobyerno ng sariling heart center, dialysis center, lung center at kidney center.
Ito ay para hindi na kailangang magpagamot sa Maynila ang mga pasyente at nais din ni Ong na magtayo ng isang Cancer Institute of the Philippines.
Mahalaga na maiayos ang mga pubikong ospital dahil malinaw sa mga pag-aaral na madaling tamaan ng COVID-19 ang mga maysakit sa baga, sa puso, mga diabetic at may sakit sa bato.