Advertisers
PAPALAPIT na ang tag-init, at marami na sa ating mga opisyal ang nagbababala na, na maaaring magkaroon tayo ng krisis sa tubig. Normal naman talaga ang ganyang mga senaryo sa panahon ng tag-araw.
Pero sa parte ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kailangang ihanda niya tayo sa mga ganitong pagharap sa krisis. Ano ang kanyang ginawa?
Pinirmahan niya lang naman ang pagsasabatas na nagbibigay ng panibagong dalawamput-limang (25) taon prangkisa para makapag-patuloy sa kanilang mga operasyon ang Maynilad Water Services Inc. at ang Manila Water Company Inc., dalawang kumpanya na nagdidistribute ng tubig sa ‘west at east zone’ ng Metro Manila kabilang na ang mga probinsiya ng Cavite at Rizal.
Ito ang sinasaad ng Republic Act 11600 at 11601 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noon pang Disyembre na inaatasan ang Maynilad at Manila Water na magsasagawa ng tapat na pagseserbisyo sa pamamahagi ng tubig sa bawat tahanan nitong pinaglilikuran. At kailangan sisinupin ng dalawang kumpanya ang kanilang paglilingkod sa mga kustumer nito nang maayos at kapaki-pakinabang sa mga gumagamit ng tubig.
Inaatasan din na ang Maynilad at Manila Waters ay magsusumite ng plano upang makamit ang 100 percent na water, sewerage at sanitation services pagdating ng 2037.
Kinakailangan din gawin ng dalawang kumpanya ng tubig na siguruhin ang supply ng tubig at magsagawa ng iba pang paraan upang matugunan ang pangangailangan ng mga kustomer nito ng tubig. Kinakailangan maayos ng Maynilad at Manila Water ang daloy ng supply nila ng tubig di lamang para sa mga tahanan kung di pati sa mga commercial, industrial atbp.
Ang batas ay nag-aatas din ayusin ng mga water company ang kanilang paniningil. Kailangan lagi itong makatarungan at patas para sa mga konsumer. Pinapayagan din ng batas ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na “bambuhin” ang dalawang kumpanya kung kinakakitaan nila ito ng pagmamalabis at patawan ng kaukulang parusa. Ang MWSS ang nagsisilbing tagapangasiwa sa lahat ng gagawin ng Maynilad at Manila Water.
Kung inyong matatandaan, di pinaporma ni Pangulong Duterte ang mga kumpanyang ito nang maupo siya bilang lider ng bansa. Mano ba naman kasi, sinisingil pa ng dalawa ang pamahalaan sa umanoy pagkalugi nila nang maisapribado ang pagdidistribute ng tubig.
Hindi ito nagustuhan ng Pangulo kaya’t pinawalang bisa niya ang kontrata sa pagitan ng MWSS at dalawang kumpanya. Nang lumuhod na ang Maynilad at Manila Water na pag-aari ng mga pinaka-mayayamang indibidwal sa bansa, saka lamang pinayagan at binigyan pa ng panibagong 25 taon ang dalawa na makapagsilbi sa taong bayan sa pamamagitan ng water distribution.
Wala na tayong dapat ikakaba, kung magkaroon man ng krisis sa tubig ngayong papalapit na ang tag-init. Pihadong may babambuhin na ang Malacañang kapag nagpila balde tayong muli.