Advertisers
Patuloy pang inaalam ngayon ng kapulisan ang buong detalye kung aksidente ang pagkamatay ng kakaupo pa lamang na hepe ng Provincial Intelligence Unit ng Masbate Police Provincial Office.
Binawian ng buhay sa fatal shot na tinamo si PLtCol. Steve dela Rosa, 39-anyos, sa pagitan ng tiyan at malapit sa puso sa insidenteng nangyari 10:45 ng gabi.
Ayon kay Masbate PPO Provincial Director PCol. Rolly Albaña, kagagaling lamang umano sa isang intelligence operation ni dela Rosa nang mangyari ang insidente.
Kukuha lang dapat ito ng mga gamit sa bahay sa Mobo, Masbate at babalik rin sa trabaho dahil may follow-up operation pang isasagawa.
Inihahanda na umano ng hepe ang kaniyang uniporme sa sariling kwarto nang biglang umalingawngaw ang putok ng baril na narinig ng asawa nito.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang police officer subalit idineklarang dead on arrival.
Isinailalim na rin sa autopsy ang bangkay ng pulis.
Kakaupo pa lamang ni dela Rosa sa bagong posisyon nang magsilbing hepe ng Masbate City Police Station hanggang nitong Enero 8, 2022.