Advertisers

Advertisers

“Kanila na muna ang kampanya. Bakuna, gamot kalinisan ang priority namin sa Maynila” – Isko

0 246

Advertisers

“YANG kampanya, kanila na muna ‘yan. Ang priority naming sa Maynila ay bakuna, gamot at kalinisan.”

Ito ang deklarasyon ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno nang pangunahan nila nina Vice Mayor Honey Lacuna, Congressman Yul Servo at department of public services chief (DPS) chief Kenneth Amurao ang blessing ng pitong bagong dump trucks para gamitin ng DPS sa kanilang round-the-clock operations.

Sa nasabing okasyon ay pinapurihan ni Moreno si Amurao at ang mga tauhan nito sa non-stop cleaning operation ng mga esteros at lahat ng sulok at singit ng Maynila.



“Yung aming estero rangers, mula pa July 2019 walang tigil sa paglilinis ng estero. Sabi ko nga, magkaka-kulani sila ng katatapon dahil hindi mapapagod ang ating estero rangers sa kakukuha hanggang sa unti-unti ay magkusang-disiplina na siya namang nangyayari ngayon,” sabi ni Moreno.

Sinabi ng alkalde na ang mga bagong dump trucks ay para sa pangmatagalan ng gamit. Binigyang diin din ng alkalde na kailangang sulit ang perang ipinambili ng mga bagong dump trucks dahil sa premium-quality equipments ang mga ito para sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa lungsod.



“Thank you sa DPS, kay Kenneth Amurao, sa kanilang kasipagan at non-stop na paglilinis at paghahakot ng mga basura sa lungsod ng Maynila. Kaya nga DPS yan eh. Dampot, pukol, salo,” pahayag pa ni Moreno.

Samantala, sinabi ni Moreno na ang mga activities na may kinalaman sa kanyang presidential bid ay hindi niya muna prayoridad dahil nakatuon ang pansin nila ni Lacuna sa pagtugon sa panawagan ng agresibong pagbabakuna at pagbili ng kailangang-kailangan na anti-COVID medicines at equipments.



“There is no point to govern kung lahat ng tao namamatay o may sakit. Dapat maramdaman ng gobyerno na may masasandalan sila. Bakuna, gamot at tamang equipment ang aming prayoridad ngayon,” pagdidiin ng alkalde.

Ito ayon pa kay Moreno ang dahilan nila ni Lacuna kung bakit binibigyan nila ng mas maraming pagkakataon ang publiko na magpabakuna.

Binanggit ng alkalde na maliban sa mga ginagawang vaccination sa mga designated community health centers, schools at shopping malls, ay nagbukas na rin sila ng drive-thru vaccination para sa four-wheel vehicles sa Quirino Grandstand, Bonifacio Shrine (for two-wheel riders) at sa Ospital ng Maynila para sa public utility vehicles. (ANDI GARCIA)