Advertisers
LIBRE ang tuition fee sa Quezon City University (QCU).
Kaya kung kayo ay graduating student ng Senior High ngayong taon, at problema ang pagpasok o makatapos ng kolehiyo, samantalahin na ang libreng college education na ino-offer ng QCU sa mga kabataan ng lungsod.
Ito ay matapos maisama ng Commission on Higher Education (CHED) ang unibersidad at mabigyan ng ‘Institutional Recognition’ noong nakaraang taon, para makapagbigay ng libreng ‘college education’ gaya ng iba pang kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila.
Ang programang ito ng CHED ay hango at bunga ng Unified Financial Assistance System for Tertiary Education Act, o UniFAST, isang komprehensibong batas na Republic Act 106871, na naglalaan ng pondo at mekanismo upang makapagbigay ng libreng college education sa mga kabataang nagnanais magkolehiyo ngunit walang sapat na kakayahang tustusan ang kanilang pag-aaral, partikular na ang mga kapus-palad.
Sa pahayag ni Theresita V. Atienza, Pangulo ng QCU, sa ngayon 10,425 college students na ang nakapag-enroll sa ilalim ng nasabing programa ng CHED para sa academic year na 2021-2022, at kumukuha ng iba’t ibang kurso gaya ng Bachelor of Science in Entrepreneurship, Information Technology, Electronics Engineering at Accountancy.
Noong una ang bilang ng estudyante ay umabot pa sa 12,800 ayon kay Atienza. Nabawasan ang bilang dahil ang iba sa mga mag-aaral ay pinili na munang makapagtrabaho matapos matuto ng mga technique sa pag-oon-line.
Bukod kasi sa libreng tuition fee, nagbibigay din ang QCU ng mga “top of the line’ laptop, ayon kay Atienza. May kasama pa itong ‘pocket Wi-fi’ para sa bawat estudyante.
Ang mga “gadgets” ani Atienza ay galing sa inisiyatiba ni Mayor Joy Belmonte na siya ring nagpursige upang mapapayag ang CHED na maisama ang QCU sa programa nitong UniFAST.
Dagdag pa ng QCU official, ang pandemiyang dala ng Covid-19 virus na nakasagabal sa pagsasagawa ng mga ‘face-to-face classes’, ang naging dahilan ni Mayor Belmonte na bigyan ang mga mag-aaral ng mga laptop at pocket Wifi upang di maputol ang kanilang mga pag-aaral.
Sinabi rin ni Atienza na minabuti rin ng Punong-Lungsod na gamitin na muna ang pasilidad ng unibersida sa pakikipaglaban ng pamahalaang lungsod sa problemang dala ng pandemiya.
“Ito naman ang aming kontribusyon sa laban natin sa Covid-19. Paulit-ulit ko ngang sinasabi na Tatlong-B ang contribution ng QCU, Buildings, Body and Brains,” paliwanag ni Atienza na ang tinutukoy ay ang pagpapagamit ng mga gusali ng unibersidad para maging Covid-19 facilities; ang lima (5) na pansamantalang gumaganap bilang mga health workers at ang mga ginagawa nilang pananaliksi sa mga paraan para labanan ang pandemiya.
Hinikayat ni Atienza ang mga interesadong magtatapos sa Senior High School ngayong taon na mag-apply na sa unibersidad sa pamamagitan ng on-line (qcu.edu.ph), upang makapag-kolehiyo sa pamamagitan nang di lamang libreng matrikula kundi may gadget na at allowance pa.
P20,000 allowance kada semester ang matanggap ng bawat estudyante, at P30,000 naman para sa mga mag-aaral na mga persons with disability o mga PWD.