Advertisers
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indian national dahil sa iligal na pagpapautang ng ‘5-6’ sa Cavite.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. ang Indian na si Bahg Singh, 48 anyos, ay inaresto ng mga operatiba mula sa BI Intelligence Division Regional Intelligence Operation Unit IV-A at IV-B noong Biyernes sa Brgy. Inchican sa Silang, Cavite.
Si Singh ay inaresto ayon sa mission order na inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente nang siya ay makatanggap ng reklamo dahil sa mga iligal na ginagawa dahil sa pagsasagawa ng ‘5-6’ na pangpapahiram ng pera at nasabing lagi itong lasing at gumagawa ng mararahas na mga gawain.
Nahuli rin siyang aktong nangongolekta ng pera mula sa isang tindahan sa nasabing barangay.
Nabanggit ni Morente sa publiko na ireport ang mga dayuhang nagsasagawa ng iligal na aktibidad sa kanilang komunidad. “Magbibigay-daan para sa aming intelligence agents upang magsagawa ng imbestigasyon kapag iniulat ninyo ang mga iligal na dayuhan sa inyong komunidad,” ayon kay Morente. “Mananatili kaming walang humpay sa pagpupursigi na ipa-deport ang mga dayuhang lumalabag sa ating mga batas,” dagdag pa niya.
Panandaliang makukulong si Singh sa isang pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang hinihintay matapos ang kaso ng deportasyon laban sa kanya. (JERRY S. TAN)