Advertisers
PAGKAKALOOBAN ng P100,000 ng lokal na pamahalan ng Muntinlupa City ang pamilya ng pulis na namatay sa pagseserbisyo nang mag-duty ng diretsong tatlong araw nito nakaraang eleksyon.
Sa flag raising ceremony sa Muntinlupa City hall quadrangle nitong Mayo 23, sinabi ni Mayor Jaime Fresnedi na kanyang hiniling sa Muntinlupa City Council na pinangungunahan ni presiding officer Vice Mayor Artemio Simundac, nagpasa ng resolusyon para sa pagkilala at pagbibigay ng financial assistance sa naulilang pamilya ni Sgt. Manuel Escalona, 42, nakatalaga sa Special Weapon and Tactics (SWAT) team ng Muntinlupa Police, na namatay habang patungo sa duty nitong Mayo 10.
Sakay ng kanyang minamanehong motorsiklo si Escalona patungo sa kanyang duty sa Muntinlupa Police nang atakihin ito sa puso 7:45 ng gabi sa kahabaan ng Daang Hari Road, Imus, Cavite.
Ayon sa asawa ni Escalona, ang pulis na mayroong high blood pressure at diabetes ay napatiran ng ugat sa kanyang puso na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Dagdag pa ng asawa ng namatay na pulis, si Escalona ay 20 taon nang nagseserbisyo bilang pulis ng Muntinlupa.
Dinala ang labi ni Escalona ng kanyang asawa sa kanilang probinsya sa Ilocos Sur para doon ilibing.