Advertisers
Patay ang isang ginang na overseas Filipino worker (OFW) na kauuwi lang sa bansa nang pagsasaksakin ng kapitbahay dahil sa rido o away-lupa sa Lucena city.
Kinilala ang biktima na si Elena Alzaga, 56, habang naka-hospital arrest naman ang salarin na si Marlo Pauang, nasa hustong gulang at kapwa residente sa lungsod.
Ayon kay Lieutenant Colonel Reynaldo Reyes, hepe ng Lucena Police, bago ang insidente nagkaroon ng pag-uusap ang biktima at salarin sa barangay hinggil sa awayan sa lupa.
Subali’t paglabas ng barangay hall agad na bumunot ng patalim ang salarin at hinarang ang biktima subali’t inawat ito ng ilang concerned citizen.
Hindi nagpaawat si Pauang sa halip ang mga umaawat ang kanyang pinagbalingan kaya inabot niya si Alzaga at pinagsasaksak sa dibdib at iba pang parte ng katawan.
Matapos ang pananaksak nagsaksak naman sa sarili ang suspek habang may iba pang sugatan na inabot ng patalim habang iwinasiwas niya ito.
Agad naman dinala sa ospital ang biktima at mga sugatan subalit dineklara na rin patay si Alzaga.
Nabatid, na umuwi lamang ng bansa ang biktima para ayusin ang matagal na nilang problema sa lupa.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang suspek.