Advertisers
HIGIT sa P2 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa limang “tulak” kabilang ang isang guro sa magkasunod na operasyon Sa Cebu city nitong Miyerkoles.
Kinilala ang nadakip na si Brendo Aringay-Villafranca, 34 anyos, titser sa pampublikong paaralan at residente sa Barangay Kansi, Tuburan.
Nakuha kay Villafranca ang isang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P2,000, buy bust money at motorsiklo nito.
Nahuli rin ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Central Visayas (PDEA 7) ang isang Lilia Hernane, 52, sa Bamboo Village, Barangay Basak Pardo, Cebu City.
Nakumpiska kay Hernane ang 5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000.
Sunod na operasyon sa Barangay Cayang, Bogo City, at nadakip sina Jame Paul Yuson Villegas, 30, nasa listahan ng high-value na indibidwal ng Bogo Police Station.
May bigat na 192.48 gramo ang drogang nasamsam kay Villegas na nagkakahalaga ng P1,258,816.
Pagsapit ng 12:38 ng madaling araw ng Miyerkoles, nadakip ng Talisay City Police ang call center agent na si Ronnel Ledesma Cabaron, 42, sa Barangay Bulacao.
Nakuha kay Cabaron ang 50 gramo ng droga na nagkakahalaga ng P340,000.
Naaresto rin ng Mambaling Police Station ang isa pang high value individual sa Sitio Tinabangay, Barangay Mambaling, Cebu City na si Jojie Diaz, 27, ng Sitio Huyong-huyong .
Nakuha kay Diaz ang 53 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P360,400.