Advertisers

Advertisers

AKSYON NI PBBM VS PETRO SMUGGLING AT PAIHI!

0 548

Advertisers

BUKOD sa krisis ng pagkain, isa pa sa dapat tutukan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at ng kanyang administrayon ay ang walang pakundangang smuggling ng petroleum product at ang lantarang operasyon ng paihi, buriki o patulo syndicate.

Batid ni PBMM ang problema sa pagkain dala ng matagal nang puslitan ng iba’t ibang uri ng farm product, lalo na ng bigas, poultry at pork na dahilan ng pagbaha ng mga produktong ito sa bansa na tulad din ng smuggled petroleum.

Nang dahil sa ‘di mahinto-hintong food smuggling, napabayaan na ang mga sariling produkto ng ating mga magsasaka. Kung tatangkilikin man ang farm product natin, ito ay sa napakababang presyo lamang, kaya nalulugi ang mga magsasaka.



Dahil nalulugi sanhi ng bagsak presyong smuggled food product, ano nga ba ang gagawin ng mga magsasaka kundi huminto na lamang sa pagsasaka na ang naging resulta ay dumalang at walang mabiling sariwang pagkain.

Ang pagdagsa ng smuggled food ay dahil na rin sa kapabayaan ng mga korap na opisyales ng iba’t ibang sangay ng gobyerno na nangugunsinti sa sindikato tulad ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration and Deportation (BID), Philippine Coastguard (PCG), Philippine Port Authority (PPS), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcing agency.



Ang problema sa food smuggling sa bansa ay napakatagal na wari mo’y legal na legal kaya nagdulot ng napakalaking krisis sa pagkain. Kung hindi ito masosolusyunan ay tiyak na dadanas ang Pilipinas ng matinding taggutom ng mamamayan.

Mabuti na lang at “on the rescue” si Pangulong Marcos. Nakita niya ang nagbabadyang malaking krisis sa pagkain na dahilan din kung kaya’t nagdesisyon ito na wala munang itatalagang kalihim ng DA para personal niyang pamunuan ang departamento.



At kung nahaharap tayo ngayon sa krisis sa pagkain, gayon din ay nasusuong tayo sa krisis sa enerhiya dahil sa abot langit na presyo ng diesel, gasolina, gaas at maging ang halaga ng liquefied petroleum products o ang LPG.

Tulad ng pagkain, ang petro smuggling ay patuloy din dahil sa pangungunsinti ng mga tiwaling opisyales at kawani ng BOC, PNP, PCG, PPA, at iba tagapagpatupad ng batas, maging ang elected official mula sa local government unit.

Tulad ng desisyon ni PBBM na pangunahan muna ang pagpapatakbo ng DA, kailangan nang kumilos ang pangulo para masawata ang matagal na at lantarang operasyon ng petroleum smuggling ring, isama na ang operasyon ng sindikato ng paihi, patulo, paawas at pasingaw.

Matagal na rin ang aktibidad ng petro smuggling na ang sentro ay ang Batangas Port pero hindi nakita kay dating BOC Commissioner Leonardo Guerero at PNP-OIC Lt. Gen. Vicente “Vic” Danao ang pag-aksiyon para mahinto ito.

Ganon din ay “di kumikilos o di umaaksiyon ang hepe ng coast guard, ang kababayan ng inyong lingkod na Admiral Artemio Abu, PPA General Manager Christopher Pastrana at ang gobernador ng lalawigan ng Batangas na si Hermilando Mandanas, Quezon Province newly elected Gov. Helen Tan, Bataan Gov. Joet Garcia, Pampanga Gov. Dennis Pineda, Bulacan Gov. Daniel R. Fernando at Tarlac Gov. Susan Yap.

Kung kinakailangan, dapat ay balasahin ni PBBM ang mga kasalukuyang namamahala ng BOC, PPA, Coast Guard, lalo na ang pamunuan ng PNP-Maritime Command (PNP-MARICOM) at PNP na sa ngayo’y wala pang permanenteng hepe kundi officer- in- charge lamang sa katauhan ni PLtGen. Vic Danao.

Batid ng PNP, BOC,PCG , PPA, PNP, BID at mga LGU ang nangyayaring petro smuggling sa Batangas City at ang lantarang paihi at patulo ng petroleum sa CALABARZON area lalo na sa mga probinsya ng Quezon, Batangas at Region 3 na kinabibilangan ng Bataan, Pampanga, Tarlac at Bulacan, pero tila, bulag, pipi at bingi ang mga awtoridad dito.

Sa ulat na ang nagpapatakbo o financier ng oil smuggling sa Batangas port ay isang nagngangalang alias Mario Tan na kaanib ng kilalang samahan ng mga negosyante na Binondo group, isang Atty. Cabral, Dondon na isang big-time gambler at retired military sergeant na si alias Ferdie.

Lulan ng malalaking barko buhat sa Russia, China at Malaysia ay halos lingguhang dumadaong sa Batangas City Port at kanugnog na pier sa mga bayan ng Mabini at Bauan ang mga nabanggit na ocean-going na barko karga ang libo-libong tonelada ng produktong petrolyo na bilyones na halaga.

Ang mga pugad naman ng paihian, pasingawan, patuluan at paawasan na lalong kilala bilang buriki ay nasa Brgy. Alangan sa bayan ng Limay, Mariveles, kapwa sa lalawigan ng Bataan, Florida Blanca, Pampanga, Tarlac at Bulacan na pinatatakbo ng magkakapatid na sina alias Goto, Bogs at Cholo.

Ang tatlo ay kilala ding high value target ng kampanya kontra-droga dahil sa pagkakasangkot sa malakihang bentahan ng shabu.

Si alias Cholo ay inambus at malubhang nasugatan sa kainitan ng kampanya ng war on drug ni ex-President Digong, ngunit di pa rin huminto ang tatlo sa pagpapabuburiki at pagtutulak ng shabu at iba pang uri ng droga.

Ang iba pang kuta ng buriki, paihi at pasingaw ay sa Batangas City Diversion Road at Brgy. Banay-Banay II sa bayan ng San Jose, na pinatatakbo ng isang alias Benjie, parehong sa lalawigan ng Batangas. Si Benjie ay pinaniniwalaang dummy ng notoryus na “Violago Group”.

Ang mga burikian naman sa lalawigan ng Quezon ay nasa Brgy. Talim, Eco Road, Lucena City na inooperate ng isang Bobby, Brgy. Lalig sa munisipalidad ng Quezon na pinatatakbo ng isang Bong at ang matagal na ding nag-ooperate sa Brgy. Malabanban Norte sa bayan ng Candelaria na pinatatakbo naman ng isang Lani.

Kaya kung hindi mapaaksyunan ni OIC PNP Chief Danao kina Region 3 PNP Director, PBG Mathew Baccay at PNP Region 4A Chief, PBG Antonio Yarra ang mga salot na ito sa kanilang hurisdiksyon, aba ay dapat sama-sama na silang pagsisibakin sa puwesto ni PBBM?

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; new email: sikretangpinas@gmail.com.