Advertisers
Dapat lang na parangalan! Bagamat bahagi ng kanilang trabaho ang pagiging matapat, kinakailangan pa rin bigyan ng pagkilala ang mga kawani na nagpapakita ng magandang ehemplo sa kapwa..
Sinaladuhan at binigyan parangalan ng pamunuan ng isang malaking kilalang mall sa Baguio City kamakailan sina Amani Sarip, merchandiser at Rodney Vespiras, security guard, kapwa nakatalaga sa supermarket ng mall.
Binigyan parangal ang dalawa dahil sa kanilang katapatan sa trabaho…matapos na makakita ng naiwang bag sa supermarket na naglalaman ng P600,000 cash. Hindi nila pinag-interesan ang salapi at sa halip ay kanilang isinuko sa pamunuan ng establisimiyento hanggang sa maisauli din agad sa may-ari.
Kapwa naka-duty ang dalawang honest employee sa supermarket nang maunang makita ni Sarip ang kulay pink bag na nakapatong sa mga panindang bigas. Agad na ipinaalam ni Sarip ang bag sa rumorondang guwardiya na si Vespiras.
Hindi na nagdalawang-isip ang dalawa, hindi na nila pinakialaman kung ano ang laman ng bag at sa halip, agad nilang dinala ito sa customers service booth. Sa harap ng ilan pang saksi, binuksan ang bag para sa pagkakakilanlan ng may-ari pero tumabad sa kanila ang anim na bungkos ng tig-P1,000 at ang bawal bungkos ay tig-P100,000. Ibig sabihin ang sumatotal ng cash ay P600,000.
Wow, napakalaking halaga – kung sakaling pinag-interesan ng dalawa na kapwa ordinaryong kawani, ang nasabing halaga. Ito sana ay napakalaking tulong na sa kanila pero, hindi e, minabuti nilang isuko ang bag “cash” para maisauli sa tunay na nagmamay-ari.
Siyempre, laking tuwa naman ng may-ari dahil hindi biro ang nasabing halaga – lalo na kung may nakalaang paggamitan nito noong araw na natagpuan ang bag.
Payo naman nina Sarip at Vespiras sa mga mamimili na kung maari ay huwag ilapag ang bag habang namimili at sa halip ay parati itong bitbitin.
Alalahanin niyo nga naman, mayroon mga salisi na umiikot din sa loob ng mga supermarket, at mall para magnakaw. Mabuti na lamang at sina Sarip at Vespiras ang nakakita sa bag kung hindi…
Sa inyo Bb.Sarip at G. Vespiras, saludo ang bayan sa inyo. Nawa’y pamarisan kayo.
***
Tangkang pagkalat ng P173M shabu sa QC, hindi umubra kay Gen. Torre
Hindi nagkamali si PNP Chief, Lt. Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa pagtalaga kay PBrig Gen. Nicolas “Nick” Torre III bilang District Director ng Quezon City Police District (QCPD).
Dahil kung leadership ang pag-uusapan, isa ito sa asset ni Torre kaya buo ang suporta sa kanya ng mga opisyal at tauhan ng QCPD sa kampanya nito laban sa kriminalidad at ilegal na droga.
Dahil sa kanyang pinaigting na giyera laban sa droga, nagresulta ito sa pagkakompiska ng P173.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) na pinamumunuan ni PLt. Roland Vergara.
Nakompiska ang droga kay Rodgene Umali, residente ng Mamatid, Laguna. Isang dayong tulak na inakala’y malusutan niya ang QCPD.
Iyan na nga ang sinasabi natin, huwag na huwag niyong subukan ang kakayahan ni Torre, hindi kayo ubra sa kanya at sa mga bumubuo ng QCPD. Kaya sa iba pang sindikato ng droga, huwag na niyo pang tangkain pumasok sa Kyusi para magkalat. Tiyak na mabibigo kayo kay Torre o sa QCPD.