Advertisers

Advertisers

UTANG NINYO UTANG NA NAMIN

0 419

Advertisers

Hindi nagpigil ang pamahalaan sa pagpapalobo ng pagkakautang sa iba’t ibang ahensya sa pananalapi sa labas o loob ng bansa. Sa buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon (2026), na sa P18.55T ang utang ng bansa mula sa mga financial institutions, P12.50T ang utang mula sa mga lokal na financial institutions at P6.05T mula sa financial institutions sa labas ng bansa. Sa larawang banggit, lumaki ang utang ng bansa na ‘di namamalayan ni Mang Juan. Sa paglaki ng bayarin sa utang ng bansa, ‘di masilip kung saan pumasok o pumapasok ang mga inutang na salapi. Sa pagsasaliksik, patuloy ang pagpapalobo sa utang ng bansa ng kasalukuyang pamahalaan gayung ‘di nagbabago ang lagay ng kabuhayan ni Mang Juan. Sa pagtaya, lumaki ang bayarin ng bawat isang Pinoy sa halagang P160K na ‘di mawatas kung paano mababayaran gayung ang pantustos sa araw -araw ay patuloy na lumiliit ang halaga kontra sa halaga ng bilihin.

Sa pandemya sa nakaraan, Maganda ang dahilan ng dating pamahalaan sa pangungutang ngunit silip ang labis labis ang ginawang pangungutang na pasanin ni Mang Juan at ng mamamayan. At silip ang ‘di tamang paggamit ng salaping mga inutang na ‘di ganap na bumaba sa antas ng mamamayan. Walang layon na balikan ang kalagayan sa panahon ng pandemia, ang layon ang mabatid ang labis labis na pangungutang na ‘di alam ang pinatunguhan ng salaping hiniram. Sadya nga bang may pangangailangan ang bayan sa mga salaping hiniram o sadyang nakagawian ang pangungutang ng higit na paunlarin ang sarili at bahala na sa sarili ang taong bayan. Sa pangako ng nakaraang halalang pang panguluhan, banggit na ‘di susunod sa yapak ng dating lider si Jun Singhot higit sa gawang labis na pangungutang, at ang kabalintunaan ng pangako ang naganap.

Matagal na ang usapin ng pangungutang ng pamahalaan na pasanin ng bansa at ng taong bayan na ‘di masilip ang pinaggamitan. Sa paglobo ng utang ng pamahalaan, higit na lumaki ang pangungurakot ng mga opisyal sa pamahalaan na sisiw ang halaga kung milyon milyon. Sa paglaki ng paglalaan sa pondo ng mga kagawaran sa pamahalaan, kabi-kabila ang pagpasok ng mga pondo ng mga opisyal ng bansa na pinadadaan sa mga kagawaran. At kapagdaka, ‘di masilip ang mga pinapagawang walang proyekto na umuubos sa pondo ng bayan. Sa paglaki ng pondong inilalaan sa mga programa o proyekto, naubos ang salapi at lumaki ang utang ni Mang Juan. Walang malasakit sa tao ang mga lider ng bansa at patuloy na gatasan ang lahok ng bayan sa galawan sa pamahalaan.

Sa pananaliksik, nasilip ang batas na tuwirang paglalaan ng pondo sa mga bayarin ng pamahalaan, ang PD 1177 sa panahon ng dating Marcos. Sa banggit na batas, walang pag-aatubili ang mga nagpapautang sa pamahalaan na palakihin ang pondong mauutang ng pamahalaan sa dahilang nakakatiyak na mababayaran. Sa totoo lang, walang masusing pagsusuri ang mga nagpapahiram sa bansa kung saan ang paggagamitan ng mga pondong hinihiram. Ang usapin, ang matiyak na mababayaran ang nahiram higit kung tiyak na mababayaran ang mga nautang dahil sa banggit na batas, PD1177. Sa laki ng mga patong at haba ng pagbabayad sa mga nautang, natitiyak na babalik ang puhunan at kita ng nagpapautang sa tuwirang paglalaan ng pondo mula sa budget ng bansa na nakasaad sa banggit na batas. Ang masakit ‘di inalam kung saan o kanino pumasok ang salaping nautang dahil ang mahalaga, ang mabayaran.

Hindi layon na mabansot ang pag-unlad na banggit ng mga opisyal ng pamahalaan ngunit kung sisilipin ang paglaki ng utang, tila nakatayo sa kumunoy ang paglagong banggit na sa konting kibot ganap na lulubog. Sa lumalaking utang ng pamahalaan, hungkag ang banggit na paglago ng ekonomiya ng bansa higit sa tuwirang paglalaan ng pambayad mula sa pondong pambansa. Sa totoo lang, walang kagiliw-giliw ang pahayag na umaayos kuno ang kalagayan ng kabuhayan ng Pinoy higit sa pagdami ng gitnang uri. Sa totoo lang, hindi masilip ang banggit na lumalaki ang bilang ng gitnang uri samantala ‘di tumataas ang sahod ng mga manggagawa. Maganda ang paglalahad ngunit hungkag sa laman sa ‘di mahabol na tumataas na halaga ng bilihin. Sino ang matino na magsasabi na gumanda ang kalagayang pangkabuhayan sa bansa samantalang lumalaki ang bayarin na ‘di napakinabangan.

Sa kabilang banda, hindi lumalayo ang Batingaw sa layon na bumuti ang kalagayan ng mga Pinoy higit sa usapin ng kabuhayan. Ang makaahon sa kahirapan ang nakakaraming Pinoy, ang gitnang uri, higit ang maraming nasa baba ng tatsulok na matagal ng naghihikahos sa buhay ang ganap na ibig na makabangon ang kabuhayan. Sa paglago ng kabuhayan ng nakakarami, ang makitang matigil ang pagpapadala ng mga Obrero sa labas ng bansa ang ibig mamalas at ganap na masasabi ng paglakas ng mga ekonomiya ng bansa. Sa totoo lang, ang walang bayarin ang regla na masasabing malakas ang kabuhayan ng bansa.

Sa paglobo ng utang ng bansa, sumasamo na ‘di matutulad sa 1980’ ang kaganapan na isang krisis sa pagkakautang ang magaganap. Ang walang humpay na pangungutang na may kalakip na pangungurakot sa pamahalaan ang nagpapadoble sa pasanin ni Mang Juan. Matagal na ang kahirapan ng maraming Pinoy at ang mga salang pagpapalambot sa tindig sa paglalahad ng pagdami ng gitnang uri ang taktika upang maiwasan ang pag-aaklas ng Pinoy tungo sa lansangan. Malinaw na napulutan ng aral ang nakaraan sa pag-uusal na lumalawak ang bilang ng tao sa gitnang uri na sa totoo lang ay salang paglalahad upang payapain ang bayan. At ang ‘di ibig maganap ng kasalukuyang administrasyon na karanasan sa nakaraan higit sa galaw na ipinapakita ng mga ayaw sa kasalukuyang liderato.

Sa huli, walang pagdadalawang isip na ‘di umaayos ang kabuhayan ng mamamayang Pinoy higit ang tao sa laylayan na sadlak ang kabuhayan. Sa salang pagtataas kuno ng sahod na ‘di maabot ang halaga ng bilihin ang palyatibong solusyon sa ‘di tumatatag na ekonomiya ng bansa. Muli, walang komprehensibong balakin o solusyon ang pamahalaan sa mga usapin sa bansa at habang ang polisiya ng pamahalaan ay ang patuloy na palobohin ang utang. Umasa na sa takdang panahon, sasabog sa mukha ng pamahalaan ang bayarin ngunit si Mang Juan ang masasaktan sa kadahilanang ang utang Ninyo utang Namin.

Maraming salamat po!!!!