Advertisers
ISANG duktor ang pinaslang matapos pasukin at pagnakawan ang bahay nito sa sa Sta. Ana, Maynila, Lunes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Dr. Nathaniel Alunan, 62 anyos, ng Kasarinlan St., Barangay 875, Sta. Ana.
Sa ulat mula kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, 6:45 ng gabi nang madiskubreng patay ang duktor sa loob ng kanyang bahay ng kanyang kapatid.
Ayon kay Michelle Calugcugan, 31, caregiver, noong nakaraang Sabado huli niyang nakitang buhay si Alunan hanggang sa hindi na ito makontak sa telepono kaya ipinagbigay-alam niya ito sa kapatid ng biktima.
Dahil sa pag-aalala, tinungo nila ang bahay ni Alunan at nadiskubre ang duguang bangkay ng duktor.
Sa imbestigasyon, nawawala ang iPhone ng biktima na nagkakahalaga ng higit P50,000 at hindi pa madetermina na pera.
Nabatid na dalawang testigo na ang kinunan ng salaysay ng mga imbestigador para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.