Advertisers
NAARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Japanese national na wanted sa mga awtoridad sa Tokyo sa kasong robbery, extortion pati na rin sa pagkakaugnay nito sa telecommunications fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang suspek na si Yohhei Yano, 43-anyos na nasakote noong Jan. 17 sa Guimbal Port, Iloilo.
Ang mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang nakaaresto sa puganteng Hapon.
Ayon kay Tansingco, si Yano ay inaresto sa kahilingan ng Japanese authorities sa Manila na humingi ng tulong sa BI para matunton ang pugante.
“He will be deported for being an undesirable alien, as he is a fugitive from justice,” dagdag pa ng hepe ng BI.
Ibinunyag ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na isang arrest warrant ang inilabas ng summary court sa Yakkaichi, Japan noong Aug. 4, 2022 matapos na masampahan ng kasong robbery and extortion si Yano sa nasabing korte.
Nabatid pa kay Sy na si Yano ay iniimbestiga-han din sa kanyang pagkakaugnay sa mga illegal activities ng isang Japanese syndicate na nag-o-operate ng telecom fraud racket noong 2019.
“He is also an undocumented alien as his passport was already revoked by the Japanese government,” sabi ni Sy.
Ang suspek ay nakapiit ngayon sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inaayos ang deportation nito. (JERRY S. TAN / JOJO SADIWA)