Advertisers
KUMBINSIDO si Ways and Means Committee chairman Senador Sherwin Gatchalian na “nabudol” ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa P6 bilyong contract nito sa kinuhang “third-party auditor” na Global ComRCI na siyang nag-o-audit sa Philippine offshore gaming operators (Pogos).
Ayon kay Gatchalian, ang kontrata para sa 10 taon ay ibinigay sa PAGCOR kahit kuwestyunable ang mga dokumentong ipinasa ng third-party auditor.
“Ang assessment ko in short, nabudol ang PAGCOR dahil kumuha sila ng third party auditor na ang ibinigay ay bank certification ng isang bangko na hindi naman registered sa BIR,” pahayag ni Gatchalian.
Ipinakita sa pagdinig ang ilan sa pinaniniwalaang fake documents kungsaan batay sa bangkong nag-certify sa Global ComRCI na Soleil Chartered Bank ay mayroong $25 million na pondo ang third-party auditor pero lumabas sa pagdinig na ang nasabing bangko ay hindi rehistrado ng BSP.
Bukod dito, hindi rin rehistrado sa Makati Local Government Unit ang Global ComRCI at hindi rin totoo ang address ng opisina na ibinigay.
Sa mga naturang detalye, iginiit ni Gatchalian na malinaw aniya na may credibility issue ang third-party auditor.
“Yung technical capability walang ipinakita at lumalabas na parang yung mga taxes, both local and national taxes, di nagbabayad. So mahalaga itong third party auditor dahil dito kinukuha yung datos kung magkano ang binabayad ng POGO sa atin, so mahalaga ang papel dahil kung mali yung tawag natin gross gaming revenue, yung datos na yun, mali makokolekta ng BIR, mali yung makokolekta ng PAGCOR,” punto ni Gatchalian.
“Since nakita natin na yung third party auditor, walang office hindi nagbabayad ng taxes hindi pa nga pumunta ngayon, nakikita natin may credibility issues itong third party auditor. At aminado yung PAGCOR na marami dito hindi nila na-check at kasalanan din nila kasi bakit nila inaprubahan ito? Lumabag sila sa sarili nilang terms or reference eh,” aniya pa.
Hindi nakasagot ang PAGCOR nang tanungin ng mga senador kung bakit hindi manlang ininspeksyong mabuti kung lehitimo talaga ang principal. (Mylene Alfonso)