Advertisers
“Matira ang matibay,” ang kalakaran sa buhay ngayong panahon kung saan ang mga tao’y ‘di malaman kung saan susuong o pupunta. Walang matakbuhan o maaring lapitan dahil sa totoo lang, halos walang kabuhayan ang nakararami. Kung mayroon mang nakalaan, ito’y sa pangmatagalang laban.
Ang sistema ng kanya-kanya ngayon ang makikita sa lansangan kung saan ito ang ipinalit sa bayanihan. Sa paghingi ng tulong o donasyon, bayanihan ang panawagan. Sa pagkamal ng salapi ng bayan, sa amin lamang. Sa bahagian ng ayuda, kampihan.
Pero sa galaw kontra pandemya, kanya-kanya; at kami sa pamahalaan, pagod at ayaw na. Nakaangkla ang ganitong kaisipan sanhi ng kawalan ng malinaw na pamunuan at pondong pantustos sa ayudang pangangailangan ng mga mamamayan.
Sa masidhing pangangailangan ng taong bayan, gumagalaw ito ng tila bawal sa kaayusan o sa batas ng Bayanihan. Subalit ang tugon ng pamahalaan ay pananakot mula sa pulisya na nakahandang buwagin ang kanilang hanay, handang labagin ang kanilang karapatan.
Ngunit sa totoo lang, ang paglabas sa bahay ay resulta lamang ng kawalan at ‘di ng anumang dahilan. Walang hanapbuhay. Walang maisubo. Walang mapanood. Walang mapaglibangan. Higit sa lahat, wala nang magulang o anak na siyang kinuha na ng pandemya. At pag nakitang may paglabag sa kautusan, shoot to kill agad. Ayaw na.
Sa ngayon, ang usaping pandemya’y usapin na rin ng ekonomiya. Marami na sa ating mga negosyante ang nagsara o kung hindi ay nagpaliit ng operasyon ng kanilang mga negosyo. Ito ngayon ang pinagtatalunan ng mga economic managers, politikong sawsawero, mga negosyante, at mga health professionals na nagtatalo sa social media kung paano itatayo ang bansa at negosyo.
Ang talastasan ay kung ano ang uunahin: ang hanapbuhay o ang buhay? Magkakawing itong dalawa na parehong gagalaw kapag may sinimulan o bubuksan. Sa pagbukas ng ekonomiya, maraming Filipino ang malalagay ang buhay sa panganib na magkaroon ng pandemya.
Ngunit kung patuloy na magsasara ang ekonomiya, patuloy na malulugmok ang kabuhayan ng bansa. Kahit saan tingnan, sa huli, maraming Filipino ang talo sa kaganapang ito.
Sa totoo lang, nagsimula ang paghihirap sa kawalan ng komprehensibong plano kung paano bubuksan ang ekonomiya ng bansa. Walang planong binabanggit ang pamahalaan–basta’t kailangang buksan.
Maging sa antas ng mga kagawaran, walang kusang palong iminumungkahi kung ano ang magiging sistema ng pagbubukas ekonomiya. Magkakaroon ba ng tax break, loans, o ayuda ang mga naluging kompanya?
Mukhang walang ganitong usapan. Sa kabilang banda, walang malinaw na mungkahi ang Kagawaran ng Kalusugan kung paano mapabababa ang bilang ng C19 carrier. Ang usaping pandemya’y usaping bayan at usaping pamahalaan. Ang usaping pagbubukas ay kailangan lakipan ng usaping ligtas na kalusugan. Kaya naman umaayaw na si Juan Pasan Krus sa kasalukuyang pamahalaan.
Sa ngayon, social media ang tuwirang linya ng mga tao sa mga namumuno sa pamahalaan upang ipaabot nito ang mensahe nang mabilis at walang protocol. Subalit mukhang hindi tanggap ni Totoy Kulambo ang paraan ng pagpapaabot ng mensahe ng mga health workers.
Nagbalat-sibuyas pa ito at nagtampo dahil sa halip na sumulat ito ng diretso sa kaniya, ito’y dinaan sa social media, gayung bukas naman daw ang kanyang opisina para sa lahat. Negatibo ang naging dating nito kay Totoy Kulambo at tila parang may lakip na gusto siyang ipahiya siya sa bayan, o kaya naman ay “talagang gusto na ng mga ito ng rebolusyon laban sa kanyang pamahalaan”.
Wala pong intensyong ganito. Sa halip, ginto ang motibo ng ating obrerong pangkalusugan. Ito ay ang makaiwas ang maraming Filipino sa panganib ng pandemya.
Sa ngayon, ang usapin ng ekonomiya at pandemya’y patuloy na nagbabanggaan. Marami sa ating mga pagamutan sa Metro Manila ang nawalan ng accreditation sa PHILHEALTH sa ‘di malamang dahilan. Base sa usapan sa kongreso, marami sa mga hospital na ito ang hindi nakakubra ng kanilang reimbursement sa PHILHEALTH na magagamit sana sa kasalukuyang pangangailangan.
Hindi humihingi ng ayuda ang mga pagamutan, kundi ibalik sana ang mga ginastos upang makabili muli ng mga karampatang pangangailangan tulad ng mga gamot, mga PPEs, at maging mga allowances ng kanilang mga health workers. Tama na ang korapsyon. Ayaw na.
Sa kabuuan, walang malinaw at komprehensibong plano ang pamahalaan ni Totoy Kulambo sa kabuhayan at sa pangkalusugan. Walang nag-iisip sa kanila ng balakin o ng tamang hakbangin sa kung anong galaw ang hindi maglalagay sa mga Filipino sa bingit ng kapahamakan kung kailangang buksan ang bansa.
Wala ba kayong mga medical economist sa pamahalaan na kailangang-kailangan sa ngayon? Ang kawalan ba ng plano ang dahilan ng iyong tampo, Totoy Kulambo?
Muli kaming umaapela sa pamahalaang ito na ang pagbabalangkas ng komprehensibong balakin na magkakawing ang usapin ng ekonomiya at kalusugan upang sa pagbangon ng bansa, walang maiiwan at maduduhagi. Ang mga obrero’y laging umaasa at positibo, ngunit ito’y hindi sa pandemya, kung ‘di sa mga kilos ninyo.
Matagal at wala mang malinaw na bukas para sa kanila, hindi pa rin nila binibitawan ang pag-asa na malalagpasan ng bansa ang usaping pagbangon, lalo na kung wala na ang pandemya at ang pamahalaang ito.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.